INISYUHAN ng Commission on Elections (Comelec) ng show cause order si Atty. Alson Kevin Anarna, kandidato sa pagka-alkalde ng Bayan ng Silang sa lalawigan ng Cavite.
Si Anarna ay pinagpapaliwanag tungkol sa kanyang naging komento sa solo parents/lolo/lola sa kanyang campaign rallies noong Marso 29, 2025.
Sa kanyang campaign rallies sa nasabing petsa, binanggit ni Anarna na ang mga balong babae at balong lalaki ay kanyang ira-raffle at kung kanyang mabubunot ay kanyang ipapakasal.
“Kanina ‘di ko na mabilang kung ilan ang kumurot sa puwet ko. Meron pa kanina si Lola, Alam niyo, first time ko nangyari ito sa kampanya. Si Lola nilaplap pa ako.”
“Sino dito ang mga solo parents? Bakit parang dumami ang solo parents? Kasi lahat ng solo parents bibigyan natin ng libreng asawa. Ang gagawin natin lahat ng balong lalaki at lahat ng balong babae ira-raffle na lang natin ‘yan ha, pasensyahan na lang tayo kung kanino kayo mapupunta kasi pagbunot ng pangalan n’yo diretso kasal kay Mayor Kevin,” bahagi ng kanyang sinabi sa kanyang kampanya.
Nakasaad din sa show cause order na ang mga pagbigkas at /o mga gawa ay bumubuo ng mga posibleng paglabag sa Comelec Resolution No.11116 o ang Anti-Discrimination and Fair Campaigning Guidelines para sa May 2025 National and Local Elections.
(SIGFRED ADSUARA)
