SA gitna ng nakataas na Alert Level 2 sa Taal Volcano na posibleng magdulot ng phreatic eruption ay pinag-aaralan ngayon ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ang pagtukoy sa mga lugar na posibleng maging evacuation sites.
Sa ulat na ipinarating sa Office of Civil Defense, pinaghahandaan ng local government ng Batangas ang mga lugar na maaaring magsilbing evacuation center para sa mga residenteng ililikas sakaling muling sumabog ang Taal.
Inisyal na tinukoy ang mga munisipalidad ng Bauan, San Pascual at Batangas City na magiging takbuhan ng mga naninirahan sa mga bayang nakapaligid sa Bulkang Taal sakaling itaas na sa Alert Level 5 o pinakamataas na antas ang alerto nito.
Subalit isa sa mga balakid na pinag-aaralan ngayon para sa mabilisang evacuation ang umiiral na health protocols bunsod ng COVID-19.
Ayon kay Rod dela Roca ng Batangas City DRRMO, hindi sila basta-basta tatanggap ng mga evacuee mula sa mga bayan na posibleng maapektuhan dahil kailangan pa rin makasunod sa health protocols lalo’t tumataas ang bilang ng kaso ng COVID-19.
Bilang paghahanda ay dadaan muna sa Batangas Sports Complex ang mga ililikas na siyang magsisilbing staging area kung saan sasailalim sila sa medical examination.
Sakaling may makitang sintomas o nagpositibo sa COVID-19 ay diretso sila sa isolation facility.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa Volcano Island na idineklarang Permanent Danger Zone.
Ayon kay Batangas PDRRMO head Lito Castro, sa ngayon tanging sa Volcano Island may nakataas na banta. (JESSE KABEL)
296
