KASO NG MISSING SABUNGEROS IPINAUBAYA NA SA DOJ

TRABAHO na ng Department of Justice (DOJ) at ng ibang law enforcement agencies na tutukan, himayin at imbestigahan ang kaso ng 34 nawawalang sabungero lalo pa’t may mga personalidad na iniuugnay sa usaping ito.

“Sinoman, anomang katayuan sa buhay, kung sila man ay personalidad na kinikilala wala pong sisinuhin ang Pangulo at ang administrasyon. Kung may dapat na panagutan dapat lamang pong maimbestigahan nang mabuti para mabigyan ng hustisya ang mga pamilya ng sinasabi nating missing sabungeros,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Sa kabilang dako, depende naman aniya sa DoJ kung posibleng maging state witness si Dondon Patidongan o alyas Totoy.

Si alyas Totoy ang nagdawit sa pangalan ng negosyanteng si Atong Ang at aktres na si Gretchen Barretto na nasa likod ng malagim na nangyari sa tinatayang mahigit 100 nawawalang mga sabungero.

Si Patidongan ang sinasabing head ng security ng mga sabungan ni Atong at sa kanya raw ibinababa ang utos na ipitin ang mga sabungerong mahuhuling nagcho-tyope o nandadaya sa sabong.

“Depende po ito sa makikita po ng DOJ – ie-evaluate po ang testimony niya at kung sino pa iyong ibang mga witnesses na puwedeng gawing state witness. Depende po iyan sa kanilang katapangan, sa katotohanan ng sasabihin nila at iyong pagkakataon na mag-recant sila ng kanilang mga testimony – so, dapat nandodoon iyong tapang at paninindigan na sabihin ang katotohanan,” ang pahayag ni Castro.

Samantala, sinabi ng Malakanyang na ipagpapatuloy ng government prosecutors at law enforcement officials ang pagsasagawa ng masusi at malalimang imbestigasyon hinggil sa 34 na nawawalang sabungero.

Layon nito na mabigyan ng katarungan ang mga biktima at mapanagot ang dapat na managot.

Sa ngayon ani Castro ay sinusuring mabuti ng DOJ ang potensiyal na testigo.

Naniniwala naman ang Malakanyang na ang kaso ng 34 na nawawalang sabungero ay malulutas nang naaayon sa batas.

Matatandaang si alyas “Totoy” ang pinakabagong whistleblower na nagbunyag ng sinapit umano ng 34 na mga nawawalang sabungero kabilang ang ilang drug lords na ipinatumba umano ng hindi pa pinangangalanang mga suspek kabilang ang ilang miyembro raw ng Philippine National Police (PNP).

(CHRISTIAN DALE)

30

Related posts

Leave a Comment