NAGHAIN ng Notice of Lockout ang Kawasaki Motors Philippines Corp. (KMPC) laban sa 289 rank-and-file union workers dahil sa unfair labor practice kabilang na ang pagsasagawa ng ilegal na welga at pagboykot sa mga aktibidad gaya ng sportsfest, anibersaryo, at mandatory overtime para makabawi sa pagkalugi ng kumpanya.
Sa Notice of Lockout na inihain nitong Agosto 4, 2025 sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB), iginiit ng Kawasaki Motors na nilabag ng 289 manggagawa ang probisyong “No Strike/No Lockout” sa kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA) na nilagdaan noong 2022 ng unyon at pamunuan ng kumpanya.
Dagdag pa rito, sinabi ng kumpanya na binoykot ng union workers ang tatlong opisyal na aktibidad ng kumpanya noong nakaraang taon, kabilang ang anibersaryo noong Hulyo 24, Sportsfest noong Hunyo 15, at ang mandatory overtime na inihayag noong Abril 30, 2025 upang makahabol sa produksyon.
Ayon kay Atty. John Bonifacio, external counsel ng Kawasaki, ang pagboykot sa opisyal na aktibidad ng kumpanya at ang paglabag sa No Strike/No Lockout clause ng CBA ay itinuturing na unfair labor practice, na maaaring magsilbing batayan ng paghahain ng Notice of Lockout.
Giit ng kumpanya, patuloy silang nakipag-usap sa unyon sa “good faith,” ngunit itinuloy pa rin ng mga manggagawa ang ilegal na welga kahit paulit-ulit na ipinaalam ng pamunuan na hindi kaya ng kumpanyang tugunan ang hinihinging benepisyo dahil sa pagkalugi na dulot ng pandemya.
“We have exhausted all legal means possible to convince union workers to accept our offer and return to work, because they are disrupting operations, but to no avail,” pahayag ni Atty. Bonifacio.
Humihiling ang mga union at board of directors ng Kawasaki United Labor Union (KULU) ng 11.50% dagdag-sahod at karagdagang ₱50, ngunit iginiit ng KMPC na ang kaya lamang nitong ibigay ay 5% na umento.
Ayon pa kay Atty. Bonifacio, maaaring maging epektibo ang lockout sa union workers pagsapit ng Agosto 26, 2025, matapos makumpleto ng kumpanya ang lahat ng kinakailangang proseso batay sa Labor Code.
