ARESTADO sa mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Korean national na wanted ng mga awtoridad sa kanilang bansa dahil sa pagkakasangkot sa million-dollar investment scam.
Nadakip noong Martes ng umaga ang suspek na si Soung Young Ho, 51, sa joint operation ng mga miyembro ng BI’s Fugitive Search Unit (FSU) at Korean authorities sa Brgy. Anunas, Angeles City, Pampanga.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, si Soung ay idi-deport bilang isang undesirable alien dahil sa pagiging pugante sa kanilang bansa.
Isiniwalat ni Morente na si Soung ay pakay ng Interpol red notice at ang passport nito ay isinailalim na sa kanselasyon ng Korean government, kung kaya’t naging undocumented alien na ito.
“We were also informed that a warrant for his arrest was issued by the Central District Court in Seoul where he was charged with large-scale fraud,” ayon sa BI chief.
Idinagdag pa niya na ang Korean fugitive ay inilagay sa blacklist ng BI.
Ayon sa impormasyon ng BI, natuklasan na noong Hunyo 2015 si Soung ay nasangkot sa pandaraya sa kanyang mga kababayan sa halagang mahigit sa US$1.1 million matapos mahikayat ang mga biktima na mag-invest sa casino business na sinasabing magsisimula ang operasyon sa Clark Field, Pampanga.
Ang suspek ay maraming naakit na mga biktima na nagbigay sa kanya ng 1.3 billion won bilang share sa negosyo at pinangakuan ang mga ito na makatatanggap ng kalahati ng kita mula sa casino operations.
Ayon pa sa report, si Soung ay nakatanggap ng pera sa 48 installments sa pagitan ng Agosto 2015 at Setyembre 2017. Subalit hindi naman natuloy ang operasyon ng nasabing negosyo.
Nabatid na wala umanong plano si Soung na ibalik sa mga biktima ang kanilang pera at ang kita mula sa casino na hindi naman natuloy.
Sa kasalukuyan si Soung ay nakakulong sa BI Warden Facility sa Bicutan, Taguig City habang nakabinbin ang deportasyon nito. (JOEL O. AMONGO)
139 