PATAY ang isang lalaki habang kritikal ang kalagayan sa pagamutan ng kasama nito makaraang pagbabarilin ng isang lasing na pulis na kanilang nakasalubong sa Tondo, Manila nitong Biyernes ng madaling araw.
Hindi umabot nang buhay sa Tondo General Hospital ang biktimang si Joseph Marga y Caballegan, 32, binata, elevator installer at residente ng Block 6, J.P. Rizal St., Barangay 106, Tondo, habang malubha naman ang kalagayan ng kasama nitong si Mark Lester Quinones, 28, binata, ng Lot 36, Blk. 6, J.P. Rizal St., Tondo.
Samantala, mabilis namang nakaeskapo ang suspek na kinilalang si Patrolman Alvin Santos, nakatalaga sa MPD-Sta. Cruz Police Station 3.
Batay sa ulat ng MPD-Homicide Section, bandang alas-2:45 ng madaling araw nang mangyari ang pamamaril sa Block 6, J.P. Rizal St., Tondo.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, lasing si Pat. Santos nang sitahin sina Marga, Quinones at isang Nelson Santos, at pinagsabihan na aarestuhin ang mga ito.
Nangatwiran umano si Marga na tagaroon lamang sila ngunit hindi nakinig ang pulis hanggang sa pagbabarilin ang mga biktima gamit ang service firearm nitong 9MM.
Bunsod nito, sinugod ng mga kaanak ng mga biktima at mga tambay sa lugar, ang pulis na sa pagkataranta ay naiwan ang baril sa kanyang pagtakas
Bandang ala-1:30 ngayong hapon, sumuko rin si Cpl. Norman Alvin Santos kay P/Lt. Col. Evangeline Cayaban, station commander ng MPD- Station 12.
Depensa ni Cpl. Santos, siya umano ang sinita dahil sa parking ng motorsiklo kaya nagkaroon ng pagtatalo na nauwi sa madugong tagpo.
Inagaw rin aniya ng mga tambay ang kanyang baril. Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente. (RENE CRISOSTOMO)
209 