KORUPSYON SA BOC PINATUTUKAN

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KUNG sinsero umano ang administrasyong Marcos na mawala ang kurupsyon sa bansa ay tutukan nito ang Bureau of Customs (BoC).

Ito ang panawagan ni Citizen Crime Watch (CCW) National President Diego Magpantay kay Pangulong Bongbong Marcos. Dapat niyang tutukan ang nangyayaring korupsyon sa BoC.

Sinabi ni Magpantay, hanggang sa ngayon, tuloy ang ligaya ng mga sangkot sa korupsyon sa BoC.

Binanggit pa nito, ang umano’y pagre-recycle sa vape products na nagkakahalaga ng P500 milyon.

Batay sa impormasyon ng CCW, nag-isyu umano sina IO3 Pacunayen, hepe ng CIIS-IPRD, at Port Collector Rizalino Toralba ng Port of Manila (POM), ng “safe keeping order” sa paboritong “condemnation facility.”

At hindi na umano kailangan pang dumaan sa Office of the Commissioner (OCOM) ang safekeeping ng nabanggit na mga produkto.

Ang mga ito ay unti-unti umanong naire-recycle o naibebenta nang hindi alam ng BOC commissioner. Dumidiskarte ba?

Kaya naman nangangamba ang CCW na ganoon din ang mangyayari sa P11 bilyong mga pekeng produkto na nakumpiska sa Binondo, Maynila kamakailan.

Matatandaan, kamakailan ay nagsagawa ng malakihang operasyon ang POM na pinangunahan ni Collector Torralba at ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa Binondo, Maynila.

Diskarte nilang mag-isyu ng “safe keeping order” sa condemnation facility sa pamamagitan ng mission order?

Hindi na kailangan itong i-award ng opisyal kaya’t hindi na ito kontrolado ng AOCG at OCOM. Ang galing!

Kaya ang hamon ng CCW ay magpa-inventory ang pamunuan ng BoC sa warehouse ng RCU Condemnation para malaman kung saan dinala ang vape para sa safe keeping.

Nakatanggap din tayo ng impormasyon na gagawin na rin ang mission order sa P11 bilyong halaga ng mga pekeng produkto.

Hahakutin na raw ito sa susunod na Linggo para sa safe keeping sa RCU sa parehong scheme na ginamit sa operasyon ng vape.

Ayon pa kay Magpantay, magandang hakbang ang pagpapa-inventory sa mga warehouse para masiguro na hindi na kumalat ang nabanggit na pekeng mga produkto sa merkado.

Sinikap nating makuha ang panig nina Toralba at IO3 Pacunayen hinggil sa isyu subalit hindi natin sila makontak.

oOo

Para sa sumbong at reaksyon maaaring mag-text o tumawag sa cell# 0977-751-1840.

148

Related posts

Leave a Comment