LAGUNA – Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang isang babaeng top 2 most wanted person habang kumukuha ng police clearance sa Calamba City Police Station noong Martes.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Arnel S. Pagulayan, hepe ng Calamba CPS, kinilala ang suspek na si Joyce Ann San Antonio, 34, production operator at residente ng Brgy. Bañadero, Calamba City.
Nabatid na kumukuha ng police clearance ang suspek para mag-apply ng trabaho ngunit nang beripikahin sa PNP E-warrant system ay lumabas na may nakabinbin itong warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 61 ng Baguio City, Benguet noong ika-24 ng Agosto, 2021 dahil sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (CYRILL QUILO)
216 