DAPAT nang matahimik ang mga kritiko ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nag-aakusa sa kanya ng mahinang pamumuno at kawalan ng aksyon laban sa mga maanomalyang flood control project, ayon kay Senador Panfilo Lacson.
Ito ang iginiit ni Lacson matapos makasuhan at maaresto si dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng umano’y mga anomalya sa flood control projects.
Si Romualdez ay sinasabing utak ng mga ghost project sa flood control at umano’y nakinabang sa malalaking kickback mula sa mga tauhan ni dating Cong. Zaldy Co.
Sinabi ni Lacson na dapat nang kilalanin ng mga kritiko ng Pangulo ang mga hakbang na ginagawa ng administrasyon laban sa mga maanomalyang proyekto.
Maging ang Office of the Ombudsman, aniya, ay dapat mabigyan ng papuri at suporta ng mga Pilipino.
Idinagdag ni Lacson na dapat nang hayaan ang paglilitis na umusad at mailatag ang mga ebidensya ngayong nahaharap na sa mga kaso sa korte ang dating House Speaker.
Nauna nang sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na itinuturing nang person deprived of liberty si Romualdez matapos maihatid ang warrant of arrest ng Sandiganbayan habang nasa Cardinal Santos Medical Center ang dating Speaker.
Samantala, sinagot ni Lacson sa X ang isang basher na tumawag sa kanya ng “bading.”
Ayon kay Lacson, hindi siya kilala ng basher na hindi rin naman niya kilala. Dagdag niya, kung bading siya, “wala nang makikitang macho sa mundo.”
(DANG SAMSON-GARCIA)
78 