NAGHAIN ng manifestation si Senator-Judge Erwin Tulfo sa Impeachment Court upang talakayin ang voting threshold sa lalong madaling panahon kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. (DANNY BACOLOD)
DAHIL hindi na natuloy ang pagharap ng iba pang testigo sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, inungkat ni Senator-Judge Erwin Tulfo ang usapin sa voting base o threshold para sa conviction at acquittal.
Sinabi ni Tulfo na sa nakalipas na 23 araw ng impeachment trial, mula sa 21 senador-judge ay 20 na lamang ang dumadalo sa mga pagdinig.
Binigyang-diin ng senador na nais niyang malinawan kung paano ang sistema sa magiging pagboto at kung sinu-sino ang papayagang bumoto sa magiging desisyon ng Impeachment Court.
Idinagdag ni Tulfo na maging ang publiko ay interesadong malaman kung mapaninindigan ang ruling ni Impeachment Court Presiding Officer Senator Francis “Chiz” Escudero na 16 na boto ang kailangan para sa conviction.
Ipinaalala ni Tulfo na dalawa sa mga senador ang nakakulong, isa ang nagtatago at isa ang nagpapagamot sa ibang bansa.
Samantala, sinabi ni Escudero na hindi pa handang magdesisyon ang Impeachment Court sa usapin ngayong araw.
Kaya naman, iginiit ni Escudero na sa Setyembre 16 ay magpapatawag sila ng mga amicus curiae o “friends of the court,” kabilang ang mga dating mahistrado at constitutional framers, upang magbigay ng kanilang kaalaman kaugnay sa usapin.
Itatakda naman umano sa Setyembre 23 ang oral arguments at botohan para sa magiging desisyon sa voting base o threshold.
61 