HIHILINGIN ng House prosecution panel ang pagpapalabas ng subpoena kay Vice President Sara Duterte matapos nitong mailatag ang lahat ng apat na artikulo ng impeachment, ayon kay Lead Private Prosecutor Atty. Lorna Kapunan.
Inihayag ito ni Kapunan sa pagsisimula ng ika-23 araw ng paglilitis sa impeachment nitong Martes, Setyembre 8.
Ayon kay Kapunan, hindi muna hihilingin ng prosekusyon ang agarang pagpapalabas ng subpoena dahil nakatuon pa sila sa paglalahad ng kanilang mga ebidensya.
Sinabi niyang nakatakdang humarap si Duterte sa dulo ng proseso.
“At the end of all of these articles, we reserve the right to present the Vice President herself,” ani Kapunan.
Hinimok din ni Kapunan si Duterte na humarap sa impeachment court, igalang ang proseso at patunayan ang kanyang paggigiit na wala siyang kasalanan.
Samantala, nagpasya ang prosekusyon na huwag nang iprisinta ang natitirang 15 sa 27 testigo nito para sa Article I o ang alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds.
Sa 27 testigong nakalista sa pre-trial brief ng prosekusyon, 10 ang naiharap na sa paglilitis.
“After a long meeting last night and towards this morning, just before this hearing, the prosecution, both public and private prosecutors, decided to forego not only with the witnesses subpoenaed for today, but with all the remaining 15 witnesses,” paliwanag ni Kapunan.
Kabilang sa hindi na haharap ang sina Police Major Jovelyn Magay, Sunshine Fajarda at Bresilio Sabaldan.
Dahil dito, sinabi ni Kapunan na opisyal nang tinatapos ng prosekusyon ang paglalahad ng ebidensya nito para sa Article I, ngunit may reserbasyon itong magpatawag ng dalawang testigo kung kakailanganin sa huling bahagi ng paglilitis.
Ipinaliwanag ni Kapunan na hindi na kailangan ang iba pang testigo dahil malinaw na umano sa mga naunang testimonya na iisa ang kanilang itinuturong responsable ay si Duterte.
Inihalintulad niya sa mga piyesa ng chess ang mga naunang testigo na pawang nagtuturo sa bise presidente bilang pangunahing may pananagutan.
Matapos ang Article I, ilalatag ng prosekusyon ang mga alegasyon ng unexplained wealth sa Article II at bribery sa Article III.
Unexplained Wealth Kasunod na
Samantala, sisimulan sa Lunes, Setyembre 14, ang paglilitis sa Article II o unexplained wealth ni Duterte sa kabila ng hiling ng depensa ng dalawang linggong palugit upang mapag-aralan ang mahigit 1,800 dokumento, kabilang ang mga bank record.
Sa pagdinig nitong Martes, Setyembre 8, inatasan ni Presiding Officer Senator-Judge Francis Escudero sina Lead Prosecutor at Akbayan party-list Rep. Chel Diokno na isumite ang listahan ng mga testigo at maging handa para sa nakatakdang sesyon upang masulit ang oras ng korte.
Humiling naman ang abogado ng depensa na si Michael Poa ng dalawang linggong palugit upang masuri ang dami ng mga dokumento.
Gayunman, sinabi ng impeachment court na maaaring maapektuhan ng mga nakatakdang deliberasyon sa pambansang badyet sa Senado ang iskedyul ng paglilitis.
Bilang tugon, itinakda ng korte ang Miyerkoles at Huwebes, Setyembre 9 at 10, para sa opisyal na pagmamarka sa mahigit 1,800 exhibit, kabilang ang mga bank at insurance record na nakuha mula sa mga ahensyang inisyuhan ng subpoena.
Upang mapabilis ang paglilitis, naghain din ang prosekusyon ng written request for admission na naglalaman ng 104 item.
Ayon kay Diokno, layunin nitong hingin sa kampo ni Duterte na kumpirmahin ang pagiging tunay ng mga bank record at kung nakapangalan sa kanya ang mga account upang hindi na kailangang magharap ng hanggang 15 karagdagang testigo.
“Simple lang po ang hinihiling ng prosecution. Hinihiling po namin sa respondent na kumpirmahin, una, kung genuine o tunay ang mga bank records na isinumite ng mga bangko alinsunod sa subpoena at ikalawa, kung ang mga bank accounts na tinutukoy sa mga records na iyon ay pag-aari ni Vice President Sara Zimmerman Duterte individually or jointly with others,” ani Diokno.
Kinuwestiyon ni Escudero ang paggamit ng Rule 26 dahil sa katangian ng impeachment trial at sa karapatan laban sa self-incrimination.
Iginiit naman ni Diokno na hindi kriminal na kaso ang impeachment kundi proseso para magpasya sa panunungkulan ng isang opisyal at sa posibleng permanenteng diskwalipikasyon nito sa paghawak ng pampublikong posisyon.
Sa huli, binigyan ng korte ang depensa ng 15 araw, na non-extendable, upang magsumite ng komento sa request for admission.
Gayunman, tiniyak ni Escudero na hindi nito maaantala ang pagsisimula ng paglilitis sa Article II sa Setyembre 14.
(TINA MENDOZA)
63 