Arestado ang isang lalaking nagkakabit ng jumper at iligal na nagsusupply ng kuryente sa tinatayang 20 bahay sa lungsod ng Makati nitong Martes, Abril 21.
Ayon sa Philippine National Police, nagpakilala umano bilang isang barangay volunteer ang 32 anyos na suspek na nahuli pasado ala-1:20 ng madaling araw sa Barangay Palanan.
Nakuha mula sa suspek ang mga kable ng kuryente na ginagamit sa iligal na gawain.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7832 o Anti-Electricity Pilferage Act ang nasabing suspek.
Muli namang nagbabala ang Meralco laban sa pagnanakaw ng mga pasilidad nito gaya ng mga kable na maaaring magdulot ng antala sa serbisyo ng kuryente at pinsala sa katawan o kaya naman ay pagkamatay.
“Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pagnanakaw ng mga pasilidad ng kuryente dahil posibleng magdulot ito ng antala sa serbisyo sa mga customer. Bukod pa dito, lubhang mapanganib ang mga ganitong gawain dahil sa mataas na boltahe ng aming mga pasilidad,” ani Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.
Ang pagnanakaw ng mga pasilidad ng kuryente gaya ng kable ay may parusang hindi bababa sa 12 taon na pagkakakulong at multa mula P50,000 hanggang P100,000 sa ilalim ng Republic Act No. 7832. Ang mga bumibili naman ng mga nakaw na pasilidad ng kuryente ay mananagot sa ilalim ng Anti-Fencing Law at maaaring maparusahan ng pagkakakulong.
Hinimok din ng Meralco ang publiko na i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kaligtasan at integridad ng serbisyo ng kuryente.
Maaaring i-report ng mga customer ang anumang alalahanin sa serbisyong kuryente sa pamamagitan ng MyMeralco app, o sa mga opisyal na social media account sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X (@meralco). Maaari rin silang magtext sa 09209716211 o 09175516211, o tumawag sa Meralco Hotline 16211.
136 