UMAASA ang Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP) na i-veto ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang magpapalawig sa termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK), na magreresulta sa pagpapaliban ng nakatakdang halalan sa Nobyembre 2, 2026.
Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton, mas marami umano ang nais na matuloy ang halalan, ngunit mas pinaboran ng nakararaming mambabatas ang panukalang panatilihin muna sa puwesto ang mga kasalukuyang opisyal.
Naipasa na sa ikalawang pagbasa sa House of Representatives at Senado ang mga panukala na gawing limang taon ang termino ng mga barangay at SK officials, na kabilang sa magiging epekto ang pagpapaliban ng 2026 elections hanggang 2028.
Ipinaliwanag ni Inton na kailangan munang pagtugmain ng House at Senate bicameral conference committee ang anomang magkakaibang bersyon ng panukala bago ito maipadala sa Malacañang bilang enrolled bill.
Kapag naipasa sa Pangulo, maaari itong pirmahan, i-veto o hayaang maging batas sa pamamagitan ng paglipas ng itinakdang panahon nang walang aksyon.
Kapag naging batas, magkakabisa ito 15 araw matapos mailathala, alinsunod sa itinakdang proseso.
Samantala, sinabi ni election lawyer Atty. Romulo Macalintal na nakahanda siyang kuwestiyunin sa Korte Suprema sakaling maisabatas ito.
Maaari ring hilingin sa Korte Suprema ang pagpapalabas ng restraining order laban sa implementasyon ng batas habang dinidinig ang constitutional challenge.
Giit naman ng LCSP, mahalagang magkaroon ng malinaw na direksyon hinggil sa halalan upang malaman ng publiko kung matutuloy ang Barangay at SK Elections sa Nobyembre 2, 2026 o maaantala ito hanggang 2028.
(JULIET PACOT)
87 