SA ika-24 na araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Lunes, iginiit ni Senator-judge Alan Peter Cayetano ang kahalagahan ng pagiging impartial o patas ng tribunal upang matiyak ang accountability ng mga opisyal ng gobyerno.
Sa kanyang pagtatanong sa prosecution witness na si retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, sinabi ni Cayetano na maaaring mawala ang tiwala sa isang desisyon kung may pagdududa sa pagiging patas ng tribunal.
Maaari rin aniyang mabaligtad sa apela ang desisyon o hindi ito tanggapin ng publiko.
“Is it correct to say that ‘pag hindi impartial yung court, nari-risk na hindi magkaroon ng accountability? Kasi pwedeng ma-overturn sa appeal or people may not accept the judgment, or in other words, the impartiality of any tribunal is essential. Would you agree with that?” tanong ni Cayetano.
Sumang-ayon si Cabotaje-Tang at sinabing malaki ang epekto ng pagiging impartial o patas ng korte sa pagpapatupad ng hustisya.
Binigyang-diin din ni Cayetano ang kahalagahan ng judicial independence dahil may mga pressure na maaaring makaapekto sa mga tribunal at sa mga gumaganap dito.
“In reality, there is dependence, co-dependence, as well as independence. And in reality, there can be pressures,” sabi niya.
Ayon kay Cayetano, hindi lamang ang kasalukuyang impeachment trial ang nakasalalay sa paraan ng paghawak ng Senate Impeachment Court sa kaso.
Maaari aniyang magkaroon ng pangmatagalang epekto sa bansa ang mga magiging desisyon ng impeachment court, gayundin ang pagsunod nito sa mga umiiral na rules.
“This impeachment court’s decision and how we conduct ourselves and whether we follow the rules or not will determine our destiny not only in the next years. That’s why these are very important questions,” pahayag ni Cayetano.
Hinimok din ni Cayetano ang Senado na patuloy na palakasin ang Sandiganbayan at ang buong Judiciary upang matiyak na mananatiling independent ang mga hukom.
“We hope that the Senate can do its part in strengthening the Sandiganbayan, [and] the Judiciary to support each and every judge [so] that they will remain independent and true to their oath of blindly following the Constitution, our laws, and dispensing justice,” wika ni Cayetano.
65 