(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
BINANATAN ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez ang umano’y talamak na korupsiyon sa bansa na aniya’y nagdudulot ng patuloy na paghina ng piso at pagkawala ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan.
Sa isang Facebook post noong nakaraang linggo, sinabi ni Rodriguez na nawawala na ang tiwala ng mga investor dahil sa umano’y matinding katiwalian sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Walang kumpiyansa ang mga negosyante at mamumuhunan dahil sa talamak at laganap na korapsyon at kurakot ng Marcos administration,” ayon sa kanyang post.
Dagdag pa ni Rodriguez, lumalala umano ang krisis sa pananalapi ng bansa dahil sa mga isyung politikal at sa umano’y “lantaran na cover-up at whitewash” sa mga imbestigasyon ng mga ahensya tulad ng Senate Blue Ribbon Committee, Department of Justice, at Ombudsman.
Binatikos din niya ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), na kanyang sinabing walang kredibilidad. Ang ICI ay itinatag ni Pangulong Marcos Jr. sa ilalim ng Executive Order No. 94 upang imbestigahan ang mga anomalya sa flood control projects, matapos ang kanyang matinding pahayag sa State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo kung saan binitiwan niya ang mensaheng, “Mahiya naman kayo.”
Ayon pa kay Rodriguez, maging ang U.S. Department of State ay nagpahayag na ang korupsiyon ang isa sa mga pangunahing hadlang sa pagpasok ng dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas.
“Salamat at mayroon tayong mga OFW na patuloy na nagpapadala ng remittance, subalit sila man ay umiiyak na rin sa garapal na korapsyon at kurakot ng administrasyon,” dagdag pa ng dating opisyal.
44
