LEARNER SUPPORT AIDES MALAKING TULONG SA MGA GURO -SOLON

SUPORTADO ni Senador Win Gatchalian ang plano ng Department of Education (DepEd) na kunin ang serbisyo ng mga ‘learner support aides’ upang makatulong sa pagpapatupad ng distance learning.

Ayon sa senador, pwede nang ipatupad ang pagpapadala ng learner support aides sa mga estudyanteng nasa ‘low-risk areas’ sa pagbubukas ng klase para makatulong sa mga guro.

Inihambing ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ang konsepto ng learner support aides sa ‘learning pods’.

Ito ay ang pagtitipun-tipon ng mga mag-aaral na hindi lalagpas sa sampu na may hangaring mapanatili ang pisikal na interaksyon na nakasanayan na ng mga bata.

“Marami kasi sa kanila ang hindi makatagal sa ilang oras na klase sa pamamagitan ng internet. Naging popular ang learning pods sa Estados Unidos dahil hirap ang maraming magulang na tutukan ang kanilang mga anak para sa distance learning,” sabi nito.

Ayon kay DepEd Undersecretary Jesus Mateo, malapit na nilang matapos ang guidelines para sa pagtanggap ng mga learner support aides, kabilang na ang mga tutor, upang masuportahan ang mga magulang na hindi kayang gabayan ang kanilang anak habang nag-aaral sa bahay.

Sabi ni Gatchalian, maraming mga magulang ang abala rin sa trabaho lalo na ngayong work-from-home ang sistema.

“Ang aking suhestiyon ay mag-deploy na agad ng learner support aides lalo na’t may apat na daang munisipalidad na wala namang aktibong kaso ng COVID-19.

Kailangang siguruhin lang natin na ang mga tutor at learner support aides ay susunod sa mga health standards. Alam niyo naman ngayon, ang pag-imbita ng kahit na sino sa ating mga bahay ay maaaring magdulot ng pagkalat ng virus,” ani Gatchalian.

Kung susuriin ang COVID-19 tracker ng University of the Philippines, may 473 na munisipalidad sa bansa ang walang aktibong kaso ng coronavirus. Kabilang dito ang 22 na mga munisipalidad sa

Maguindanao, 20 sa Abra, 19 sa Ilocos Sur, 10 sa Ilocos Norte, 22 sa Bohol, 16 sa Sulu, 14 na mga munisipalidad sa Eastern Samar, 16 sa Surigao del Norte, at 14 sa Zamboanga del Norte.

Binigyang-diin ni Gatchalian na sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2, ang ilang bahagi ng DepEd budget na hindi pa nagagasta ay maaari nang gamitin para sa pag-hire ng teacher-asssistants. (NOEL ABUEL)

229

Related posts

Leave a Comment