LIDERATO NG SENADO PINAGPAPALIWANAG SA ‘PAGTAKAS’ NI BATO

HINIKAYAT ni Senador Sherwin Gatchalian ang liderato ng Senado na magpaliwanag kung totoo ang impormasyon na nakalabas na ng Senado si Senador Ronald dela Rosa matapos ang kaguluhan noong Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Gatchalian, mabigat ang impormasyong nakatakas umano ang kanilang kasamahan sa gitna ng tensyon sa Senado.

Isang senador na tumangging magpabanggit ng pangalan ang unang nagkumpirma na ipinaalam umano ng Senate Secretariat na nakalabas na si dela Rosa matapos ang insidente.

Batay sa impormasyon, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang umano’y makalabas si dela Rosa kasama ang isa pang kaalyadong senador.

Nauna ring nag-post si Atty. Israelito Torreon sa kanyang Facebook page ng mga larawan at video kasama si dela Rosa habang sinusuri ang scene of the crime sa ikalawang palapag ng Senado.

Subalit nitong Huwebes ng hapon ay tumanggi nang magkomento si Torreon hinggil sa ulat na nakalabas na si dela Rosa at iginiit ang lawyer-client relationship.

Kinondena ng mga Senador

Samantala, kinondena ng ilang senador ang naganap na kaguluhan at putukan sa loob ng Senado nitong Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Senador Juan Miguel Zubiri, ipinagpapasalamat niyang walang nasaktan sa nangyaring tensyon sa loob ng gusali.

Nanawagan din si Zubiri sa Philippine National Police na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy kung sino ang mga armadong lalaking pumasok sa Senado at kung paano sila nakatakas.

Nagpasalamat naman si Senador Joel Villanueva na ligtas na nakalabas ang lahat ng na-trap sa gusali sa gitna ng putukan.

Para naman kay Senador Panfilo Lacson, kinakailangang matukoy kung sino ang nagpaputok, para kanino ito at ano ang motibo ng insidente.

Giit ni Gatchalian, dapat ding malaman kung sino ang nag-utos at mga kasabwat sa nangyari upang mapanagot sa ilalim ng batas.

Hindi aniya katanggap-tanggap na malagay sa panganib ang buhay ng mga senador, empleyado at miyembro ng media sa loob mismo ng Senado.

Kasabay nito, nanawagan si Gatchalian sa publiko at iba’t ibang political forces na manatiling kalmado at iwasan ang mga walang basehang haka-haka.

(DANG SAMSON-GARCIA)

64

Related posts

Leave a Comment