ANO ANG SAKIT SA BATO AT PAANO ITO MAIIWASAN?

Ni Ann Esternon

Isa sa mga sakit na delikado ay ang pagkakaroon ng sakit sa bato.

Ang sakit na ito ay maaaring tumama sa kahit na sino at kahit anoman ang ating edad.

Ang ating kidney o bato ang siyang sumasala sa anomang dumadaloy sa loob ng ating katawan tulad ng tubig, dugo at maging ang pagkain. Ito ang organ ng ating katawan na naglilinis at nagtatanggal ng toxins o mga dumi at nailalabas ito sa pamamagitan ng pag-ihi.

PAGKASIRA NG KIDNEYS, MASAMA ANG EPEKTO

Kapag hindi gumana ang normal na galaw ng bato ito ay tinatawag na sakit sa bato o chronic kidney disease. Ito ay puwedeng mauwi sa kidney stones (bato sa bato) at edema at kung hindi malulunasan ay hahantong na ito sa kidney failure na pwedeng ikamatay ng pasyente kalaunan.

Kapag hindi kaagad naalis ang kidney stones ay ikakasira ito ng kidney at maaaring ang impeksyon ay kumalat pa sa iba pang organs sa katawan at maaaring kumalat din sa dugo.

PAANO NASISIRA ANG KIDNEYS?

Nagkakaroon ng sakit sa bato kung labis-labis ang konsumo natin sa maaalat at matatamis na pagkain dahilan para mamuo ang asin at asukal sa bato na magiging sanhi ng impeksyon at pagbara sa daluyan ng ihi.

Ang pagkakaroon ng sakit sa bato ay maaari ring makuha sa pagkain at pag-inom ng sobrang matatamis tulad ng soft drinks, milkshakes, milk tea at iba pa.

Ayon sa mga doktor ang karaniwang kidney stones ay 70 porsyentong nagmula sa calcium stones na parang buhangin habang ang iba ay dahil sa uric acid stone na 15-20 porsyentong genetic habang ang iba pa ay dahil sa impeksyon.

Kailangang maagapan agad sakaling may kidney stone. Mas agresibo ang paggagamot sa kidney stones kapag nakakaranas na ng lagnat, ginaw at iba pang senyales.

Ang sukat ng kidney stones ay puwedeng kasing laki ng munggo.

Kapag mas maliit pa sa 4-millimeter ang kidney stones ay 80 porsyentong maaaring idaan pa ito sa gamot para matunaw. Kapag nasa 5 millimeter ay 20 porsyentong maaari pang matunaw din sa gamot. Samantalang kapag ang sukat ng kidney stones ay 10-20 millimeter ay kailanganan nang dumaan sa operasyon ang pasyente.

ALTERNATIBONG GAMUTAN

Kapag hindi pa gaanong malaki ang kidney stones may alternative medicines para matunaw ang bato sa bato pero dapat munang sumangguni sa doktor bago ito tangkilikin.

Ang pag-inom ng pinakuluang dahon ng sambong ay mainam para lumiit ang bato sa bato. Ang pag-inom nito ay kahit ilang beses sa loob ng isang araw. Diuretic din ang sambong na maging daan para mapadalas ang pag-ihi.

Maaari ring ikonsidera ang pag-inom ng nilagang sampal-sampalukan (stone crusher) na ang itsura ay parang sa dahon ng sampalok ngunit hindi ito namumunga. Ito ay maaaring inumin kahit ilang beses sa isang araw.

Mainam din ang detoxifying o pagtanggal ng toxins sa katawan na mula sa kidneys sa pag-inom ng natural juice mula sa prutas ng oranges, dalandan, o kalamansi. Ang uri nito na maaasim ay mayaman sa citrate na nakakapagpataas din sa citrate na kemikal sa ihi at nakakatunaw sa kidney stones.

Samantala, maliban sa karaniwang operasyon, ang pasyenteng may kidney stones ay maaaring sumailalim sa Shockwave Lithotripsy. Dito, tinutunaw ng soundwaves ang kidney stones na hindi na kakailanganin ng operasyon.

Ang kidney transplant ay isang solusyon para maisalba ang buhay ng pasyente at maging normal ito.

SENYALES NG PAGKAKAROON NG KIDNEY STONES

– maaaring walang nararamdaman ang pasyente

– pananakit ng tagiliran o ibang parte sa inyong likod

– hirap at nakakaranas ng sakit sa tuwing umiihi

– lagnat na tumatagal o hindi nawawala

– pamamaga ng paa, mukha o katawan

– hirap sa paghinga

– mabulang ihi

– ihi na kulay tsaa

– pag-ihi nang madalas sa gabi (3 beses)

– pagbaba ng timbang

– pangangati

– erectile dysfunction sa mga lalaki (o hirap sa pagpapatayo ng ari)

PAGSUSURI SA PASYENTE

Ang sinusuri ng doktor para malamang may sakit sa bato ang pasyente ay ang kanyang dugo (creatinine) at ihi (uniralysis).

Kapag ang pasyente ay may sintomas ng sakit sa bato, dadaan ito sa pag-eksamin ng doktor. Susuriin ang blood chemistry ng pasyente upang malaman kung ano-ano ang mga kemikal na narito at kung nasa normal na antas ang mga ito.

Sinusuri rin ang creatinine ng pasyente. Ang creatinine ay waste product sa dugo. Ang creatinine ay dumi na nalilikha ng muscle tissue, na sinasala ng bato at inilalabas sa pamamagitan ng pag-ihi.

Ang normal na sukat ng creatinine ay 0.6 hanggang 1.2 milligrams (mg) per deciliter (dL) sa mga kalalakihan at 0.5 hanggang 1.1 mg/dL sa mga kababaihan. Maaaring makasama sa bato kung mataas ang antas ng creatinine ng tao. Kapag mataas ang creatinine level, posibleng may sira na ang kidneys. Kadalasan ay tumataas lamang ang creatinine kapag may 50% damage ang kidneys.

Sa urinalysis, sinusuri ang ihi ng pasyente kung may protina o dugo sa kanyang ihi. Sinusukat din ng doktor ang ihi ng pasyente sa loob ng isang araw o 24 oras para malaman kung normal ang galaw ng kidneys.

Ultrasound at CT scan ang isang paraan malaman kung ano ang itsura ng kidneys ng isang pasyente. Dito maaaring makita na kulubot ang kanyang kidney at iba ang hugis – senyales na malala na ang kanyang sakit.

MGA KONDISYON NA NAKAKAPINSALA SA BATO

Ayon sa National Kidney and Transplant Institute kailangang maging maingat ang taong may sakit sa bato at mas maging maingat sa mga kondisyon nito tulad ng:

* Diabetes dahil sa sobrang asukal sa dugo, nahihirapan ang bato na salain ito

* Hypertension dahil sa pagkasira ng mga daluyan ng dugo sa katawan kasama na ang ugat sa bato

* Sakit sa puso

* Pag-inom ng mga gamot para sa kirot (non-steroidal anti-inflammatory drugs)

* Paninigarilyo

* Pagbigat ng timbang na higit pa sa naaayon sa tangkad

* Pagkakaroon ng kamag-anak na may sakit sa bato

* Pagkakaroon ng mga bato na maaaring bumara sa daluyan ng ihi

* Pamamaga ng ugat sa bato na maaaring nakuha sa impeksiyon sa lalamunan o balat

* Pagkakaroon ng impeksiyon o pamamaga ng daluyan ng ihi at pagdami ng mga organismo o mikrobyo sa bato at sa pantog.

DIALYSIS

Kapag hindi na gumana nang normal ang kidneys, makakatulong ang dialysis para mabuhay ang pasyente. Ito ang artipisyal na proseso para matanggal matanggal ang mga toxins sa katawan.

Sa dialysis ay nalilinis ang dugo dahil tinatanggal dito ang masamang sangkap tulad ng creatine, urea at iba pang masama sa katawan. Sa proseso ring ito tinatanggal ang sobrang tubig at namamantina ang tamang lebel nito at binabalanse rin nito ang tamang asin at acid-base na kailangan ng katawan.

Iba-iba ang nararanasan ng taong dina-dialysis. Sa ibang pasyente ay masakit ito habang sa iba ay kaya ang prosesong ito.

Magastos din ang magpa-dialysis lalo na kung gagawin ito dalawa hanggang tatlong beses sa isang linggo.

– Iwasan ang pagkain ng maaalat

– Iwasan ang protina sa pagkain at kumain na lamang ng isda at mga gulay

– Iwasan ang pag-inom ng soft drinks

– Uminom ng walong basong tubig bawat araw

– Mag-ehersisyo nang regular

391

Related posts

Leave a Comment