KASO NG DEPRESYON SA PILIPINAS, TUMAAS

Ni Ann Esternon

Maliban sa krisis na humahambalos sa atin dala ng COVID-19, hindi maitatanggi na marami na ang naaapektuhan nito pati na ang kalusugan ng pag-iisip ng mga tao.

Dahil sa krisis, tumaas ang bilang ng kasong may depresyon sa Pilipinas. Ang mga pangunahing dahilan nito ay kawalan ng trabaho o lumiit ang sahod. Kabilang din dito ang mga nalugi o nagsarang mga negosyo. Dito rin pumasok ang pabigat na problemang bilihin sa araw-araw, bayarin kada buwan, at mga utang na dapat bayaran pero hindi sapat o sadyang wala nang pagkukuhanang pondo para rito.

Masakit ding isipin na sa isyung ito ay nakahanay ang biglaang pagkawatak ng mga pamilya o ‘yung hindi makauwi agad sa kanilang pamilya dahil sa mahigpit na protocols ng pamahalaan.

Gayunman, nakaagapay din ang pamahalaan upang isulong ang kaalaman natin sa public mental health sa bansa.

Sa datos ng National Center for Mental Health (NCMH), bago pa ang lockdown sa bansa ay umaabot na sa 80 sa monthly hotline calls ang naitatala hinggil sa depresyon at umakyat ito sa halos 400 tawag.

Sa datos sa buong mundo, higit na tinatamaan ng depresyon ang may edad 15-29. Kadikit din nito ang mental health-related deaths na ikalawa sa pangunahing dahilan ng kamatayan sa kanilang hanay.

Noon May 2019, naglunsad na ang Department of Health ng proyektong tututok sa isyung ito kung saan kabilang ditong inilunsad ang “Kumusta Ka? Tara Usap Tayo” ng NCMH.

 

PAANO TUTULUNGAN ANG MAY DEPRESYON?

– Ipaalam na hindi sila nag-iisa, may mga nagmamahal at may mga taong handang tumulong sa kanilang sitwasyon. Imantinang mayroon silang positibong koneksyon at kausap.

– Kahit pa nasa quarantine period, sikaping magamit nang mabuti ang social media, pagtawag sa telepono upang mapanatiling nakaagapay sa may depresyon. Kung kakayanin, mas mainam na sila ay dalawin, kausapin at bigyan ng yakap.

– Unawain ang kanilang pinagdaraanan at huwag sisihin, punahin o hatulan.

– Makatutulong ang mga alagang hayop (aso, pusa, atbp) para mabawasan kung hindi man mawala ang negatibong nararamdaman.

– Mag-ehersisyo kahit sa simpleng regular na paglalakad lamang.

– Paalalahanan ang pamilya ng may depresyon na dapat silang bantayan nang regular at tiyaking kumakain sila nang tama at may mahabang oras ng tulog.

Para sa tulong hinggil sa depresyon, bukas ang linya 24/7 NCMH Crisis Hotline 1553, 0917899 8727(USAP), at/o 7-989-8727 (USAP).

633

Related posts

Leave a Comment