LIGTAS NA PABAHAY

KUNG hindi pa sa lawak ng pinsalang dulot ng bagyong Odette, hindi pa marahil maiisip ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng batas na nagtatakda ng 40 metrong “easement” mula sa baybaying dagat.

Ayon mismo sa Pangulo, pwersahan na nilang paaalisin ang mga pamilyang nawalan ng tahanan sa mga baybaying bahagi ng mga lalawigang sinalanta kamakailan ng hagupit ng delubyong kumitil ng hindi bababa sa 748 katao, bukod pa sa nawindang na ekonomiya, nawasak na mga tahanan at imprastraktura, pagbagsak ng mga linya ng kuryente, tubig at komunikasyon, at pinsala sa kabuhayan ng mga magsasaka sa ­kanayunan.

Ang totoo, matagal nang problema ang pagpapatupad ng batas kaugnay ng 40-metrong easement mula sa mga ­baybaying kinatatayuan ng mga ­kabahayan, bagay na hindi kailanman nanaisin ng mga nanunungkulan sa coastal localities na pakialaman sa takot na mabawasan ang kanilang boto.

Para sa mga pulitiko, ang pagpapaalis sa mga pamilyang nakatira sa tinatawag na danger zone, ay isang dagok sa kanilang karera sa pulitika.

Hindi limitado sa mga lalawigang binayo ng bagyo ang problema sa danger zones na pinamamahayan na ng mga Pilipino na walang sariling bahay. Maging sa ibang rehiyon – kabilang ang Metro Manila, laganap ang pangungunsinti ng mga lokal na opisyal.

Ang tanong: Sino nga ba namang pulitikong nasa matinong pag-iisip ang nagnanais na galawin ang isang balwarte ng botante limang buwan bago ang halalan?

Ang sagot: Asa ka pa, maliban na lang kung wala na silang planong lumahok pa sa pulitika.

Ang siste, saan naman kaya planong ibarega ng pamahalaan ang kalahating milyong pamilyang sisipain sa “danger zones” gayong wala naman pagdadalhan o proyekto man lang para sa mga walang tahanan.

Sa madaling salita, drawing lang ang tinuran ng Pangulo.

162

Related posts

Leave a Comment