LINO CAYETANO ITINALAGA NI PBBM BILANG PTV-4 GENERAL MANAGER

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si film at television director at dating Taguig City Mayor Lino Cayetano bilang bagong general manager ng state-run People’s Television Network o PTV-4.

Inanunsyo ang appointment ni Cayetano ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez.

Ayon kay Gomez, taglay ni Cayetano ang “rare wealth of experience from the media, the private, and the public sector” na makatutulong upang lalo pang mapaunlad ang operasyon ng PTV-4 sa larangan ng multimedia.

Si Cayetano ay may-ari ng Rein Entertainment at nagsilbing alkalde ng Taguig City mula 2019 hanggang 2022. Naging kinatawan din siya ng Ikalawang Distrito ng Taguig sa Kamara mula 2013 hanggang 2016.

Kapatid siya ni Senate President Alan Peter Cayetano.

Papalitan ni Cayetano si Malou Choa-Fagar na nagsilbing acting general manager ng PTV-4 mula pa noong Agosto 2025.

Pinasalamatan naman ni Gomez si Fagar sa kanyang naging serbisyo sa state-run television network.

“I would also like to extend my profound gratitude to GM Fagar for her service to the station and the nation,” ani Gomez.

Ang PTV-4, na itinatag noong 1974, ay ang state-operated television network ng pamahalaan na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Presidential Communications Office.

(CHRISTIAN DALE)

77

Related posts

Leave a Comment