Critical waterways binabantayan LPA LUMAKAS BILANG TD PILANDOK — PAGASA

LUMAKAS bilang isang tropical depression ang dating low pressure area (LPA) at pinangalanang “Pilandok,” ayon sa state weather bureau na PAGASA sa inilabas nitong weather update alas-8 ng umaga nitong Agosto 30.

Ayon sa pinakahuling weather bulletin, namataan ang Tropical Depression Pilandok sa layong 1,245 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon.

Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna, habang umaabot naman sa 75 kilometro kada oras ang bugso ng hangin.

Kumikilos ang Pilandok patungong west-northwest sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Patuloy namang mino-monitor ng PAGASA ang galaw at kondisyon ng bagyo upang matukoy ang posibleng epekto nito sa bansa.

Pinapayuhan ang publiko na manatiling nakatutok sa mga susunod na weather bulletin at opisyal na abiso, lalo na sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng sama ng panahon.

Samantala, humina na bilang low pressure area ang dating Tropical Depression Obet.

Bagama’t wala na ito sa status na tropical depression, patuloy pa rin itong binabantayan ng PAGASA para sa anumang pagbabago sa kondisyon at galaw nito.

Monitoring ng OCD sa Waterways

Patuloy namang tinututukan ng Office of Civil Defense (OCD) at iba pang ahensyang nasa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga kritikal na waterways dahil sa mga pag-ulan dulot ng Habagat.

Kabilang sa mahigpit na binabantayan ang mga dam na malapit sa Metro Manila gaya ng La Mesa Dam, Ipo Dam, Angat Dam at Bustos Dam, gayundin ang mga waterways gaya ng Marikina River.

Kasunod ito ng mga ulat ng pagbaha sa ilang lugar at pagtaas ng lebel ng tubig sa mga pangunahing daluyan.

Kaugnay nito, nakaalerto na rin ang mga uniformed personnel mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP), kasama ang kanilang mga response assets.

Nakahanda rin ang mga evacuation center para sa posibleng paglikas ng mga residenteng nakatira malapit sa mga daluyan ng tubig.

Pinayuhan ng OCD ang publiko na patuloy na makinig sa mga abiso ng local government units (LGUs), maging handa sa posibleng paglikas at iwasan muna ang mga hindi kinakailangang pagbiyahe para sa kaligtasan.

Ayon sa PAGASA, patuloy na makaaapekto ang habagat sa Luzon, kabilang ang Metro Manila, at maaaring magdulot ng malalakas at tuloy-tuloy na pag-ulan hanggang Martes.

Tubig sa mga Dam Tumaas

Naitala ang malaking pagtaas ng lebel ng tubig sa Angat Dam na umabot sa 1.40 metro, gayundin sa Ipo Dam na tumaas ng 0.74 metro at San Roque Dam na nadagdagan ng 0.50 metro.

Patuloy naman ang pagbubukas ng gate sa Ambuklao Dam, kung saan apat na gate ang bukas, at sa Binga Dam, na may anim na gate na bukas kahapon.

Patuloy rin ang controlled water release ng Ipo Dam habang nagpapatuloy ang pag-ulan.

Ayon sa Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDDRMO), halos umabot na sa kanilang normal high water levels ang San Roque, Ambuklao at Binga dams matapos ang ilang araw na tuloy-tuloy na pag-ulan.

Ang Ambuklao at Binga dams sa Benguet ay bahagi ng Agno River system na konektado sa San Roque Dam sa Pangasinan.

Dumadaloy ang tubig mula Ambuklao Dam patungo sa Agno River at naiipon sa Binga Dam. Kapag naglabas naman ng tubig ang Binga Dam, patuloy itong dumadaloy sa Agno River hanggang sa makarating sa San Roque Dam.

Dagdag pa ng OCD, 525 lugar sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON at Region I ang naiulat na nakaranas ng pagbaha.

Kabilang sa mga lugar na may naiulat na pagbaha ang Pampanga, Bataan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Laguna at Cavite.

32 Nasawi, 19 Sugatan, 3 Missing

Samantala, hindi bababa sa 32 ang bilang ng mga nasawi, 19 ang sugatan at tatlo ang nawawala dahil sa pinagsamang epekto ng habagat at mga nagdaang bagyo, ayon sa Office of Civil Defense.

Hindi kasama sa naturang bilang ang mga nasawi sa lumubog na bangka sa Zambales, kung saan siyam na katutubong Aeta ang naiulat na namatay.

Samantala, dalawang manggagawa ang namatay habang dalawa naman ang nasugatan matapos ang pagguho ng lupa sa Tipo High-Tech Park sa Subic Bay Freeport noong Sabado, kasabay ng tuloy-tuloy na malakas na ulan.

Kinilala ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Law Enforcement Department ang mga nasawi na sina Peng Jiahan, 26, Chinese national at sales and marketing supervisor ng Fubong Environmental Technology, at Ernesto Ramos, isang Pilipino at dump truck driver.

Natagpuang walang malay ang apat na manggagawa at dinala sa James L. Gordon Memorial Hospital sa Olongapo City, kung saan kalaunan ay idineklarang patay ang dalawa.

Nauna nang kinumpirma ng SBMA ang insidente ng pagguho ng lupa sa Tipo High-Tech Park at iniugnay ito sa tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan.

(JESSE RUIZ)

108

Related posts

Leave a Comment