LOCAL PROJECTS NG DPWH LUMOBO

PINIGA ni Senador Panfilo Lacson ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa pagbibigay prayoridad sa local infrastructure projects kumpara sa national projects sa kanilang panukalang 2021 budget.

Sa hearing sa Senado para sa panukalang P666.47-billion DPWH 2021 budget, inilarawan ni Lacson na “beyond recognition” ang pinakahuling isinumiteng talaan ng ahensya kumpara sa mga nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) na una nang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DDM).

“What I noticed as a pattern, kaya tinanong ko kung may intervention ang some legislators, in general ang nakita naming lumobo, ‘yung mga local projects at ‘yung malaking nabawas ‘yung national projects,” saad ni Lacson.

“Ang laki ng nabawas sa mga national projects—doon sa Build, Build, Build. Ang nadagdagan puro local. May nakita kaming multi-purpose building. Ang laki ng amount noon, nasa P67 billion,” diin pa nito.

“Dahil ang theme ng national budget, ‘Reset, Rebound, Recover,’ I wonder how would multi-purpose buildings contribute to the ‘Reset, Rebound and Recover theme of the national budget?” tanong pa ng senador.

Pinuna ni Lacson ang pagbabawas ng P21 bilyon sa alokasyon ng DPWH sa network development habang binawasan din ng P477 million ang general administration and support gayundin ang asset preservation na binabaan ng P9.8 billion, ang bridge program ay binabaan ng P6.5 billion, at ang flood management program ay binawasan ng P4.5 billion.

Sa kabila nito, tinaasan naman ang alokasyon ng P52.8 billion ang local programs mula P176 billion ay ginawang P229 billion.

Kinuwestyon din ang pagbabawas ng alokasyon sa tourism infrastructure gayung matindi ang epekto dito ng COVID-19 pandemic.

“Bakit binawasan pa ng P8.428B ang kinaltas sa declared tourism destinations? It doesn’t make sense na ang tourism tinamaan ng COVID, ‘yan pa binawasan natin. How can we rebound and recover at least sa tourism sector kung babawasan natin Convergence and Special Support as program?” tanong ni Lacson.

Binigyang-diin naman ni Public Works Secretary Mark Villar na prayoridad pa rin ang national programs subalit nais din nilang palakasin ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagsusulong ng local projects.

“We are doing our best to balance the needs of the national, also look at smaller less-developed areas. These multi-purpose buildings have many uses, used as quarantine facilities and for social gatherings. We do see especially in small communities there is significant utility,” saad ni Villar.(DANG SAMSON-GARCIA)

93

Related posts

Leave a Comment