IMPOSIBLE ang pagpapatupad ng social distancing sa loob ng mga piitan dahil sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga nabibilanggo –pero hindi sa bayan ng Binangonan.
Sa isang panayam, ibinida ni municipal administrator Russel Callanta Ynares ang nalalapit na paglilipat-bahay ng kanilang local detainees sa isang apat na palapag na gusaling magsisilbing bagong tahanan ng 162 bilanggo sa kanilang municipal jail.
Aniya, ang nasabing pasilidad na bunga ng pagtutulungan ng Binangonan local government unit at ng Bureau of Jail Management Penology, ay makapagbibigay ng higit na makataong kalagayan sa mga taong patuloy pang naghihintay ng desisyon ng korte kaugnay ng mga kasong kanilang kinakaharap.
Dagdag pa niya, ang bagong pasilidad na matatagpuan sa Barangay Lunsad, ay kanilang lalagyan ng iba pang amenities para sa alternative learning system, inter-faith worship hall, recreation, skills development, livelihood centers, multi-purpose hall at maayos na dormitoryo para sa kanilang detainees.
“Patapos na po ang bagong bakasyunan ng ating mga local detainees. Baka next year makalipat na sila dun sa bagong jail facility natin,” saad pa ni Ynares.
Ani Ynares, ang nasabing pasilidad na kayang maglaman ng hindi bababa sa 1,000 katao sa bawat palapag ay lubhang napakaluwag para lamang sa 162 detainees sa ngayon, subalit akma upang panatilihin ang physical distancing sa loob ng piitan lalo pa’t patuloy pa ang pananalanta ng nakahahawang sakit mula sa Wuhan, China.
Bukod sa bagong tahanan, nakikipag-ugnayan na rin aniya ang kanilang tanggapan sa husgado para sa mas mabilis na pag-usad ng mga pagdinig sa kasong kanilang kinakaharap.
“Pinag-aaralan na din namin kung paano namin sila mabibigyan ng pagkakakitaan habang dinidinig pa ng korte ang kanilang mga kaso,” pahabol pa ni Ynares. (FERNAN ANGELES)
