GRACIOSO MAY LIMANG ADMIN CASES BAGO NA-DISMISS SA PNP

MAY limang administrative case na kinaharap si Corporal Rodulfo Gracioso Jr. bago siya tuluyang na-dismiss sa serbisyo ng Philippine National Police (PNP).

Sa pahayag ni PNP Spokesperson Col. Allen Rae Co, kabilang sa mga kasong kinaharap ni Gracioso ang conduct unbecoming of a police officer at grave misconduct.

Ayon kay Co, karamihan sa mga kasong naitala kay Gracioso ay isinampa matapos ang kanyang security detail kay dating House Speaker Lord Allan Velasco noong Marso 2022.

Napag-alaman na nagsilbi si Gracioso bilang security aide ni dating House Speaker Lord Allan Velasco nang isang taon at apat na buwan.

Tuluyan siyang na-dismiss sa serbisyo noong Setyembre 11, 2026 at nakapaghain na rin ng apela kaugnay ng naturang dismissal.

Samantala, sinabi ni Co na hiwalay na sinusuri ng PNP ang mga pahayag ni Gracioso at ipinag-utos na imbestigahan ang katotohanan sa mga rebelasyon nito laban kay Vice President Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City 1st District Representative Paolo Duterte.

Posibleng Umabot sa Ombudsman

Samantala, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na kailangan munang sumailalim sa masusing pagsusuri ang mga alegasyon ni Gracioso Jr.

Sa isang ambush interview kay Remulla sa idinaos na Tripartite MOA Signing sa Department of Justice (DOJ), sinabi nitong hindi pa sapat ang mga lumabas na impormasyon kaya mino-monitor muna nila ang mga detalye ng mga isiniwalat ni Gracioso.

Iginiit ni Remulla na kailangang masubok muna ang kredibilidad ng mga alegasyon sa pamamagitan ng masusing pagsusuri at matinding interogasyon, bukod pa sa kinakailangang matibay na ebidensya upang mapatunayang lehitimo ang mga ito.

Wala aniyang dahilan upang hindi nila tuparin ang kanilang mandato bilang anti-graft body at habulin ang mga personalidad na mapatutunayang sangkot sa anomang anomalya.

Inamin din ni Remulla na matagal nang nababanggit sa mga naunang imbestigasyon ang pangalan ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) upang beripikahin ang mga isiniwalat at ebidensyang isinumite ni Gracioso.

(TOTO NABAJA at JULIET PACOT)

87

Related posts

Leave a Comment