MANILA – Hiniling ni Senator Joel Villanueva na mabigyan rin ng benepisyo ang mga nagtatrabaho sa mga pribadong botika na magsisimula nang magbakuna kontra COVID-19 tulad ng mga healthcare workers o HCWs sa ilalim ng 2022 national at iba pang mga kaugnay na batas.
“Ang posisyon po natin sa isyung ito ay dahil ang kanilang gagawin ay essentially frontline anti-COVID work, kaya nararapat lang na bigyan sila ng Special Risk Allowance na binibigay natin sa ating mga healthcare workers,” ani Villanueva, chair ng Senate labor and employment committee.
“Kapag po sila ay tinamaan ng COVID habang nagbabakuna, dapat din ay may free medical care sila at monetary compensation na nakasaad sa ilalim ng ating batas,” ani Villanueva.
Nakasaad sa General Appropriation Act ng 2022 na ang mga HCWs na tatamaan ng COVID habang on duty ay makakatanggap ng P15,000 bilang compensation para sa mild o moderate cases; P100,000 para sa severe o critical; at P1 million kung ikakamatay ito.
Kahit na hindi humihingi ng benepisyo ang mga pharmacists at iba pang nagtatrabaho sa botika para sa napakahalagang public service na kanilang ipinagkakaloob, sana ay magpaabot ang gobyerno ng “honorarium” sa kanila.
“Hindi naman tinitingnan yung kung magkano, ang mahalaga ay yung diwa sa likod ng pagbibigay. Mas mainam ito kaysa sa wala,” sabi ni Villanueva. “Ibalik po natin ang salitang ‘honor’ sa honorarium.”
Ang halagang ito, dagdag pa ni Villanueva, ay maaaring kuhanin sa P51 bilyon na nakalagak sa 2022 national budget para sa COVID-19 duty pay at iba pang benepisyo ng mga HCWs.
P9 bilyon dito ay maaari nang ilabas agad, habang ang P42 bilyon ay pwedeng pondohan ng sobrang koleksyon sa revenue o mga bagong utang.
Para maiangat ang bilang ng bakunadong mamamayan, inatasan ng pamahalaan ang ilang piling botika para maging vaccination sites na mga pharmacist ang magtuturok ng bakuna.
Pinuri ni Villanueva ang hakbang bilang isang magandang paraan para makahikayat ng mas maraming magpapabakuna.
“Mas maraming propesyonal sa bakuna brigade, mas maaga nating maaabot ang ating target na mabakunahan ang 100% sa ating mga mamamayan sa pagsapit ng unang linggo ng Mayo,” ani Villanueva. (ESTONG REYES)
170 