MAHAHATULAN SA FLOOD SCAM ITATAPON SA SABLAYAN

HANDA ang pasilidad ng Bureau of Corrections (BuCor) sakaling masentensiyahan ang mga sangkot sa umano’y flood control scam.

Sa panayam ng media sa ginanap na Second National Decongestion Summit sa Manila Hotel, sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na patuloy ang konstruksiyon ng isang “supermax” prison facility sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro para sa high-profile criminals.

“Almost done. This first quarter, matatapos na ito—just in case kailanganin maglagay ng facility para sa mga involved sa flood control cases,” ayon kay Catapang.

Dagdag pa niya, hindi na dadalhin sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa ang mga posibleng makulong dahil ire-repurpose na ang nasabing pasilidad para sa iba pang pangangailangan ng pamahalaan.

Walang Special Treatment

Tiniyak rin ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na walang VIP o special treatment na matatanggap ang mga opisyal ng gobyerno sakaling makulong kaugnay ng kontrobersyal na flood control projects.

Sa press conference sa nasabi ring summit, sinabi ni BJMP spokesperson Jayrex Bustinera na ang mga sangkot sa infrastructure projects ay ikukulong sa parehong pasilidad at ilalim ng parehong pamantayan na ipinatutupad sa mga ordinaryong bilanggo.

Giit ni Bustinera, may “zero tolerance” ang BJMP sa anomang uri ng espesyal na trato. Aniya, sinomang opisyal ng BJMP na mapatutunayang nagbigay ng VIP treatment ay mahaharap sa kasong administratibo at maaaring matanggal sa serbisyo.

Dagdag pa niya, maglalaan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng body-worn cameras para sa mga jail personnel na magbabantay sa mga dating opisyal ng gobyerno upang matiyak ang transparency at accountability.

Tiniyak din ng BJMP na makatao ang kanilang mga pasilidad at pantay ang trato sa lahat ng detainees, ordinaryo man o high-profile.

(JULIET PACOT/JOCELYN DOMENDEN)

42

Related posts

Leave a Comment