(BERNARD TAGUINOD)
UNTI-UNTI na umanong natutumbok si dating House Speaker Martin Romualdez sa sinasabing anomalya sa flood control projects, kaugnay ng kumpanyang sinasabing bumili ng isang mamahaling bahay sa Forbes Park, Makati City.
Ito ang paniniwala ni Navotas Rep. Toby Tiangco, na patuloy na nananawagan na dapat may mapanagot na “malaking isda” sa nasabing anomalya upang maibalik ang tiwala ng mga negosyante sa pamahalaan.
Ayon kay Tiangco, natumbok na umano ni Sen. Panfilo Lacson ang isang mahalagang lead sa imbestigasyon nang matukoy na ang bumili ng ari-arian sa 30 Tamarind Road, South Forbes Park ay ang Golden Pheasant Holdings Corporation, na ang 100-percent stockholder ay si Atty. Jose Raulito Paras.
“Si Jose Raulito Paras may connections talaga kay former Speaker Martin Romualdez. Hindi lang sa isang kumpanya, may iba pang kumpanya,” ani Tiangco, na ikinatuwa rin ang pahayag ni Lacson na ipatatawag si Paras sa susunod na pagdinig ng Senado.
“So napakaimportanteng lead ‘yung connection ng 30 Tamarind… iyon ang nagdudugtong,” dagdag pa ni Tiangco, sabay banggit na si Paras ay direktor din umano ng isang korporasyong konektado sa dating Speaker.
Unang binanggit ni dating Congressman Zaldy Co ang naturang ari-arian na sinasabing binili ni Romualdez at pinaghihinalaang dinadaluyan ng malalaking halaga ng salapi mula sa komisyon ng flood control projects. Gayunman, hindi umano ito nabigyang pansin noon.
Ngayon aniya, may malinaw nang lead ang Senado upang matukoy kung sino talaga ang bumili ng nasabing ari-arian na nagkakahalaga umano ng P1.6 bilyon.
Iginiit ni Tiangco na mahalagang may mapanagot na mataas na opisyal dahil ito umano ang hinihintay ng mga negosyante bago muling maglagak ng puhunan sa bansa.
Kaugnay nito, inaasahang magiging sentro ng susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee (BRC) sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan at Romualdez.
Ayon kay Sen. Lacson, marami pang dapat ipaliwanag si Bonoan, partikular ang naisumite umano nito kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mali-maling grid coordinates ng mga flood control projects.
Posible ring maungkat sa pagdinig ang isyu ng pagbili ng property sa 30 Tamarind Road, South Forbes Park, Makati City, kung saan nadawit ang contractor na si Curlee Discaya.
Inaasahang iimbitahan muli si Romualdez o kaya’y kinatawan ng Securities and Exchange Commission (SEC), pati ang Golden Pheasant Holdings Corporation at ang pangunahing stockholder nitong si Jose Raulito Paras.
(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)
50
