MAHIGIT P5-M SHABU NADISKUBRE SA BUBONG NG BAHAY

CAVITE – Mahigit sa P5 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nadiskubre sa ibabaw ng bubong ng isang bahay sa isang subdibisyon sa Gen. Trias City nitong Martes ng umaga.

Ayon sa ulat ni PLt. Col. Bismark Mendoza, hepe ng Gen. Trias Component City Police Station, isang tawag ng isang concerned citizen ang nagpahayag hinggil sa isang kaduda-dudang kahon na nakuha sa bubungan ng isang bahay sa Breezewoods Gentri Homes Subdivision, Barangay Pasong Kawayan 2, Gen. Trias City bandang alas-9:00 ng umaga.

Nang buksan ang nasabing kahon, tumambad sa pulisya ang walong medium na plastic bag at dalawang sachet na may lamang tinatayang 799.93 grams ng umano’y shabu na may estimated value na P5,439,524.00.

Ayon sa salaysay ng may-ari ng bahay, noong gabi bago nadiskubre ang hinihinalang droga, nakarinig siya ng ingay sa bubungan sa kanyang bahay.

Nakita rin niya ang isang batang babae na nagtatago sa labas ng bintana ng kanilang master’s bedroom na kalaunan ay madaliang pumasok sa kanilang bahay saka tumakas sa kanilang harapang pintuan.

(SIGFRED ADSUARA)

97

Related posts

Leave a Comment