2 SANGAY NG CONVENIENCE STORE, INN HINOLDAP

CAVITE – Dalawang sangay ng convenience store sa lalawigan ang hinoldap at tinangay ang cash at mga paninda sa magkahiwalay na insidente.

Ayon sa clerk ng convenience store sa Brgy. Daang Amaya 3, Tanza, Cavite na si “Johnny”, 37, pumasok ang mga suspek na armado ng ‘di nabatid na kalibre ng baril, bandang alas-2:24 ng madaling araw, nagdeklara ng holdap, pinasok ang cashier area at tinangay ang P9,500.00 cash.

Matapos nakuha ang pera, tumakas ang mga suspek lulan ng motorsiklo sa direksyon ng Barangay Daang Amaya Crossing.

Samantala, ayon naman sa salaysay nina alyas “Paye”, 21, store crew, at “James”, auxiliary store personnel, 27, ng convenience store sa Brgy. Banaba, Silang, Cavite, dakong alas-6:00 ng umaga nang madiskubre nila na pinasok ng mga kawatan ang tindahan sa pagpasok nila kinaumagahan.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pinasok ng mga suspek ang tindahan sa pamamagitan ng pagdaan sa sinirang bubong.

Tinangay ng mga suspek ang ilang bote ng alak na may iba’t ibang brands, at sigarilyo na may kabuuang halagang P983.00 at P2,000 cash.

Samantala, tinutugis ng pulisya ang isang asul na motorsiklong Yamaha Mio Sporty na sinakyan ng dalawang kalalakihan na nagholdap sa isang inn sa bayan ng Rosario sa lalawigan noong Lunes ng madaling araw.

Kinilala ang isa sa mga suspek na si alyas “Mark”, dating residente ng Brgy. Wawa 3, Rosario, Cavite.

Ayon sa salaysay ni alyas “Leah”, nagpapahinga siya kasama ang kanyang attendant sa cashier’s room ng Eagle’s Nest Inn sa Brgy. Bagbag 2, Rosario, Cavite nang dumating ang mga suspek bandang alas-2:30 ng madaling araw at nagpanggap na mga customer.

Habang kinakausap ng attendant ang isa sa mga suspek, sumalisi ang kasama nito at pumasok sa cashier’s room, nanutok ng baril, sinabihan ang mga biktima huwag mag-ingay at kinuha sa cashier ang kita ng inn na nagkakahalaga ng P28,810.00.

(SIGFRED ADSUARA)

40

Related posts

Leave a Comment