MAHIGPIT nang ipagbabawal ang pag-inom sa mga kalsada at pampublikong lugar bilang bahagi ng “Safer Metro Manila Plan” ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Inatasan ng DILG ang Philippine National Police na ipatupad ang mas pinaigting na public safety rules, kabilang ang pagbabawal sa public drinking, curfew violations, at iba pang paglabag sa community ordinances.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, hindi na papayagan ang paglalatag ng mesa at upuan sa mga lansangan para sa inuman.
“Bawal na ang mag-inom sa kalye. Doon nagsisimula ang away at iba pang insidente gaya ng sexual harassment,” aniya.
Dagdag pa niya, huhulihin ang mga lalabag sa pagbabawal sa pag-inom sa mga pampublikong lugar.
Paiigtingin din ang pagpapatupad ng curfew para sa mga menor de edad at iba pang indibidwal na walang malinaw na dahilan ng pananatili sa labas paglampas ng alas-10 ng gabi.
Hindi rin papayagan ang pag-iingay sa mga lansangan, kabilang ang videoke na lampas alas-10 ng gabi, maliban kung may kaukulang permit mula sa barangay para sa mga espesyal na okasyon.
“Kung lagpas alas-10 ng gabi at may maingay na videoke, maaaring tumawag sa 911 at reresponde ang pulis,” ani Remulla.
Bukod dito, ipinagbabawal din ang paglalakad sa lansangan nang walang suot na pang-itaas.
Layunin ng programa na palakasin ang seguridad sa komunidad sa pamamagitan ng mas pinaigting na police presence sa mga paaralan, transport hubs, at iba pang matataong lugar.
(JESSE RUIZ)
32 