P10-B pondo kapos na kapos 60% NG MAGSASAKA, MANGINGISDA MABOBOKYA SA AYUDA

AABOT sa 60 percent ng mga rehistradong magsasaka at mangingisda ang hindi masasaklaw ng P10 bilyong Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk.

Ito ang kinumpirma ni Senador Kiko Pangilinan makaraang ihayag na 4.18 milyon lamang sa 10.76 milyong rehistradong food producers ang maaaring makinabang sa pondo batay sa listahan ng Department of Agriculture’s Registry System for Basic Sectors in Agriculture (DA-RSBSA).

“Frontliner food soldiers sa krisis ang ating mga magsasaka at mangingisda. Sandata nila ang agarang tulong-pangkabuhayan para tuloy-tuloy silang makapagbungkal ng lupa at makapaglayag, at tuloy-tuloy din nilang maipaglaban ang pagkain sa bawat hapag-kainang Pilipino,” pahayag ng senador.

Dahil sa 60% na kakulangan, nanawagan si Pangilinan na bahaginan ng pondo, sa ilalim ng FY 2006 General Appropriations Act, ang iba pang mga nakarehistro sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture ng Department of Agriculture (DA-RSBSA).

Maaari anya silang saklawin sa P63.845-bilyong Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances (PSIFDC), sa P21.283 bilyong TUPAD, at iba pang emergency cash aid programs.

“As it is, marami pang wala sa registry. As it is, marami na sa kanila ang hirap, wala pa man ding sigalot sa Gitnang Silangan. Kapag tiniyak natin ang kanilang kabuhayan, tinitiyak din natin ang food supply ng buong bansa,” sabi ng chairman of the Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform.

Nanawagan din ang senador ng mas mahigpit at malakas na inter-agency coordination upang mapalawak ang saklaw ng ayuda.

Hinimok niya ang mga ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development, Department of Labor and Employment, Department of the Interior and Local Government, Department of Agriculture, at Department of Agrarian Reform na i-streamline ang paghatid ng tulong para mas mabilis na maabot ang mas maraming kababayan.

“Kailangang magsanib-pwersa ang DSWD, DOLE, DILG, DA, at DAR para mapabilis at mapalawak ang pag-abot ng tulong, gamit ang mga programang tulad ng TUPAD, AICS, at iba pang cash assistance,” ani Pangilinan.

(DANG SAMSON-GARCIA)

26

Related posts

Leave a Comment