IPINAGKAIT umano ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa sambayanang Pilipino ang karapatan nitong panagutin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos tumangging tanggapin ng Office of the Secretary General ang ikatlong impeachment complaint laban sa Pangulo.
Ito ang pahayag ng grupo na pinamumunuan ni dating congressman Mike Defensor matapos hindi tanggapin ng tanggapan ni House Secretary General Atty. Cheloy Garafil ang kanilang reklamo dahil wala umano sa bansa ang opisyal.
“The refusal of the Office of the Secretary General of the House of Representatives to accept the impeachment complaint is a clear violation of both the Rules of the House and the 1987 Philippine Constitution,” ayon sa pahayag na binasa ni Defensor.
Dahil hindi tinanggap ang kanilang isinumiteng maleta ng reklamo at mga ebidensya, hindi na nag-iwan ng kopya ng impeachment complaint ang grupo ni Defensor—taliwas sa ginawa ng grupong Bayan na naunang naghain ng reklamo.
Bukod kay Defensor, mga complainant din sina Atty. Manuelito Luna, dating congressman Jing Paras, Ferdinand Topacio, Harold Respicio, Maryann Catherine Binag at Virgilio Garcia. Isasama rin umano sa grupo si dating Ilocos Sur governor Chavit Singson.
Ayon kay Paras, ang reklamo ay nakabatay sa “culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, and high crimes.”
Gayunman, dahil hindi tinanggap ng Office of the Secretary General ang reklamo, hindi na idinetalye ng grupo ang mga paratang na laman ng kanilang ikatlong impeachment complaint laban sa Pangulo.
Sinabi ni Defensor na ang hindi pagtanggap sa reklamo ay malinaw umanong “usurpation of constitutional authority” ng Kamara at isang paglabag sa karapatan ng mamamayan na papanagutin ang isang nakaupong Pangulo.
“To block this process is not merely a procedural error—it is a constitutional violation, an obstruction of a lawful remedy, and a direct assault on the people’s right to petition the government for redress of grievances,” ani Defensor.
Dagdag pa niya, ang Kamara ay umiiral upang paglingkuran ang mamamayan at hindi upang protektahan ang mga nasa kapangyarihan.
Walang kasamang kongresista ang grupo nang magtungo sa tanggapan ni Garafil na inaasahang magsisilbing endorser ng reklamo. Gayunman, ayon sa impormasyong kumalat, tatlong mambabatas umano ang handang mag-endorso ng impeachment complaint ngunit umatras matapos makumpirmang walang planong tanggapin ang reklamo habang nasa Taiwan si Garafil.
Samantala, dismayado rin ang grupong Bayan matapos hindi tanggapin ang ikalawang impeachment complaint na kanilang isinampa laban kay Pangulong Marcos.
“Unang-una, nais naming ipahayag ang aming pagkadismaya na ayaw tanggapin ng executive director ng Secretary General’s Office ang complaint. Ayon sa kanya, wala siyang authority to receive the complaint,” ani dating Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño.
Bandang alas-11 ng umaga nang magtungo ang mga complainant sa tanggapan ni Garafil, subalit nasa Taiwan umano ang opisyal upang personal na tumanggap ng parangal.
Dahil dito, nakipagdayalogo ang grupo kay Executive Director Atty. Jose Marmoi Salonga. Ipinaliwanag ng mga complainant na sa ilalim ng Rules on Impeachment ng Kamara, hindi kinakailangan ang presensiya ng Secretary General upang tanggapin ang isang impeachment complaint.
Sa kabila nito, hindi pa rin tinanggap ni Salonga ang reklamo, kaya nag-iwan na lamang ang grupo ng kopya ng kanilang complaint na may kaugnayan sa betrayal of public trust, partikular umano sa mga katiwalian sa infrastructure projects gaya ng flood control.
Ayon kay dating congressman Neri Colmenares, kahit hindi pormal na tinanggap ang reklamo, ito ay maituturing na “deemed filed” dahil personal itong idineliber sa Office of the Secretary General.
Umaasa naman si ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, isa sa tatlong endorser ng ikalawang impeachment complaint, na hindi ite-technical ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang kanilang isinampang reklamo.
Sinabi ni Bayan secretary general Renato Reyes na handa silang bumalik sa Lunes upang ipormalisa ang reklamo kung kinakailangan, upang maisama ito sa order of business at mairefer sa House committee on justice.
(BERNARD TAGUINOD)
44
