WALANG GHOST HEALTH CENTER SA QUEZON—GOV. HELEN TAN

TARGET ni KA REX CAYANONG

MARIING tinuligsa ni Quezon Governor Helen Tan ang mapanlinlang na paggamit ng kanyang larawan at ang caption na “‘Ghost’ Health Center” na inilabas ng Bilyonaryo News Channel kaugnay ng Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center sa Tayabas City.

Ayon kay Gov. Tan, malinaw sa mismong ulat na may mga naganap na aktibidad sa konstruksyon ng naturang ospital kaya’t mali at nakalilinlang ang pagpapahiwatig na isa itong “ghost health center.”

Giit niya, hindi maaaring gawing panangga ang paggamit ng quotation mark at question mark upang bigyang-katwiran ang isang caption na naglilihis sa katotohanan.

Binigyang-diin din ng gobernador na ang Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center ay itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 11702 at pinondohan ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan, partikular ng Department of Health at Department of Public Works and Highways.

Aniya, walang naging partisipasyon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pagpopondo o konstruksyon ng nasabing proyekto.

Bilang pangunahing may-akda ng batas at kasalukuyang gobernador, sinabi ni Tan na pinili niyang makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng national government upang itulak ang agarang pagbibigay-prayoridad sa pondo at pagpapatuloy ng proyekto dahil sa malaking papel nito sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan sa lalawigan.

Ginagalang daw niya ang press freedom, ngunit kaakibat nito ang pananagutan.

Dagdag pa niya, hindi dapat gamitin ang kalayaan sa pamamahayag upang iligaw ang publiko, sirain ang dangal ng sinuman, o pahinain ang tiwala ng mamamayan sa pamamagitan ng mapanlinlang na mga caption at maling paglalahad ng impormasyon.

Kaya naman, hinikayat ni Gov. Tan ang publiko na manatiling mapanuri at umasa lamang sa tama, beripikado, at responsableng pagbabalita.

99

Related posts

Leave a Comment