MANGGAGAWA, KABATAAN SUPORTADO MGA TEODORO

NAGPAHAYAG ng buong suporta ang ilang labor groups at isang youth organization sa kandidatura nina Marcy Teodoro at Maan Teodoro bilang 1st District Representative at Mayor, ayon sa pagkakasunod.

Sa isang pahayag, sinabi ng Manggagawa Para sa Kapakanan at Pagkakaisa sa Armscor (MAKAPA-ARMSCOR), Samahan ng Manggagawa sa Sunlight Food Corporation (SMSFC), Samahang Manggagawa ng Ponderosa Leather Goods Company, Inc. (SMPLGC), Kapatirang Samahan ng Manggagawang (KASAMA) Labor Federation, at National Confederation of Labor (NCL) na napatunayan ng mga Teodoro na sila’y maaasahan, lalo na tuwing panahon ng krisis tulad ng pandemya at mga kalamidad.

“Gusto namin ng politikong hindi kami iiwan, may pandemya man o may bagyo. Mabilis kumilos, kasama at nakikita namin hindi lang tuwing may kampanya. Gusto namin ng politiko na ang pamumuno ay pinupuri hindi lang sa Marikina kundi sa buong bansa dahil sa kanyang sipag at galing sa pagharap sa mga problema noong pandemya at tuwing may sakuna,” wika nila.

“Dahil dito, ang mga manggagawa ng Marikina, kasama ang aming pamilya at ang malaking mayorya ng mamamayan ng Marikina, ay nagpahayag ng pagsuporta sa buong Team MARikina City.

Ipaglalaban namin sila at ipagtatanggol, tulad ng paglaban at pagtatanggol nila sa mga manggagawa,” dagdag pa nila.

Binatikos din nila ang mga politiko na ginagamit ang pulitika bilang paraan para makakuha ng kapangyarihan at kayamanan, pati na ang mga nagpapanggap na Marikeño para makatakbo, at iyong mga nagbabago ng panig batay sa kanilang makukuhang pakinabang.

“Ayaw namin ng politikong hindi patas lumaban. Ayaw namin ng politikong idedemanda ang kanilang mga kalaban para lang makaungos sila sa puwesto,” wika ng mga grupo.

Samantala, naglabas din ang Kabataang Marikeño Organization ng opisyal na pahayag ng pagsuporta sa mga Teodoro at Team MARikina City. Batayan ng kanilang suporta ang subok na track record ni Mayor Marcy Teodoro at mga programa niya na napakinabangan nang husto ng kabataan.

Pinuri rin nila ang katahimikan, kaayusan, at kalinisan ng siyudad, na resulta ng subok na paglilingkod ni Mayor Teodoro.

“Ang bayan ng Marikina ay tahimik, walang gulo at walang kalat. Sa ilang taong pamumuno ng ating Ama ng Lungsod (Mayor Marcy Teodoro), pinatunayan niya na mahal niya ang Marikina, kung saan siya lumaki at nanirahan,” wika ng grupo.

Nangako ang grupo na titindig at ipagtatanggol si Teodoro, na subok na ang paglilingkod at pagtugon sa pangangailangan ng Marikeno, lalo na ng kabataan.

16

Related posts

Leave a Comment