HALOS patapos na ang konstruksyon ng Manila Islamic Cemetery na nasa loob ng city-run Manila South Cemetery sa Makati City.
Inanunsyo ito ni Manila Mayor Francisco ” Isko Moreno ” Domagoso na siya ring nag-utos na itayo ang Muslim cemetery sa 2,400 metro kuwadradong lote upang maging eksklusibong libingan ng mga labi at buto ng mga residenteng Muslim.
Dumalaw at nagsagawa ng ocular inspection ang alkalde sa sementeryo sa pagtatapos ng Ramadan kasama sina City Engineer Armand Andres, Manila Health Department (MHD) head Dr. Arnold Pangan, Manila Emergency Operations Center (MEOC) chief Dr. Edgar Santos na siyang may kontrol at mangangasiwa sa sementeryo at si MSC Director Jess Payad.
Nabatid kay Payad na 24 ektarya ang inilaan sa nasabing sementeryo na patuloy na ginagawa sa kabila ng pandemya.
Ayon naman kay Engr. Andres, target nilang matapos ang sementeryo ngayong katapusan ng Mayo.
Ang pagpapatayo ng sementeryo ay base sa Manila Ordinance No. 8608 na ipinasa ng Manila City Council kung saan nagsisilbing presiding officer si Vice Mayor Honey Lacuna- Pangan.
Ang Maynila ay may napakalaking bilang ng Muslim community na katuwang ng pamahalaang lungsod sa community building at negosyo.
‘Providing them a burial site is our simple way of giving back to them although this is certainly not enough,’ giit ni Moreno. (RENE CRISOSTOMO)
414 