Masayang tatlong linggo

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA

HALOS tatlong taon makaraang ideklara ang ­COVID-19 pandemic sa bansa, sa wakas ay nagkita-kita rin kaming magpapamilya. Nakauwi na rin ang pangalawang anak namin ng kabiyak kong si Annie, si Choy kung tawagin ko, at ­praternidad ko sa ­sportswriting na si Kimberly.

Si Kim ay nagtatrabaho sa Dubai bilang fashion designer at taunan lamang nakauuwi sa Pilipinas. Pero mula noong Marso 2019, hindi siya nakapagbakasyon dito dala ng mga ­restriksyong pangkalusugan dulot ng pandemic. Kaya ­sobrang saya ng buong pamilya at nagkita-kita rin kami nila Choy, mga kapatid ni Kim na sina Wendell, Triple (Ana Alfonsa) at mga apong sina Ziggy at Audio, na tatlong taong gulang pa lamang noong huli silang magbakasyon sa bansa.

Ang kulang lang ay si Nirvana, anak na panganay ni Wendell na nasa wastong edad na at piniling mamuhay na mag-isa at humanap ng kanyang sariling kapalaran.

Siyam na taon nang namamalagi sa Dubai si Kim, na namumuhay mag-isa malayo sa pamilya gaya ng ibang mga ­kapwa overseas Filipino ­workers sa iba’t ibang panig ng mundo. At tulad ng mga nakaraang ­bakasyon niya, itinaon ni Kim ang pag-uwi kasabay sa ­pagdiriwang ng aking kaarawan, kaya napakasaya ko noong Agosto 29, sa aking ika-83 taon.

Opo, ganoon na katanda o kabata ang inyong lingkod, na walang sawa pa ring nagsusulat upang maibahagi sa inyong lahat ang mahahalagang impormasyon tungkol sa palakasan, maging sa mga atleta, coach at mga opisyal ng sports.

Ang pagdating ni Kim ay nagsilbi ring pagdiriwang sa pagtatapos ni Audio sa Kindergarten 1 na may pinakamataas na karangalan (highest honor) sa kanyang klase at sa pagkaka-promote agad sa Grade 1, sa halip na magdaan muna sa ­Kindergarten 2. Kasabay na rin ang selebrasyon sa pagtatapos ni Ziggy sa Grade 10 at ­pagsisimula sa Grade 11. Kaya halos ­linggo-linggo ay may salo-salo kami sa bagong bahay ni Wendell at kabiyak na si Monique sa Amihan Village sa Bulacan, Bulacan na pinamumunuan ngayon ni PBA great Vergel Meneses bilang alkalde ng bayan.

Ipinagdiwang din ng ­kolumnistang ito ang ika-75 taon bilang manggagawa sa palimbagan simula noong 1958, nang siya ay maging ­newspaper carrier o tagapagrasyon ng subscription copies ng Manila Times, Daily Mirror at Taliba na pag-aari noon ng pamilya ni Don Chino Roces. At maging ang ika-51 taon bilang sports reporter simula noong 1971. Sa loob ng mahigit kalahating milenyo bilang sportswriter at editor, maraming pahayagan na ang aking napaglingkuran.

Ngunit matatapos na ang aking kasiyahan dahil dalawang araw mula ngayon, babalik na sa Dubai si Kim. Bagama’t umaasa kaming lahat na sa susunod na taon ay muli kaming magkikita-kita, depende pa rin sa sitwasyon ito, kung tuluyan nang matatapos ang pan­demya.

Nagpapasalamat kami sa kabaitan ng Panginoon at kami’y pinanatili Niyang libre sa lahat ng karamdamang ­lumalaganap at nagpapahirap sa sanlibutan sa kasalukuyan. Napakabait ng Panginoon at kami’y ­naniniwalang sa lalong madaling panahon ay masusugpo na ang lahat ng mga ­karamdamang dulot ng pandemya at makapamumuhay tayong muli ng normal. Pagpalain tayong lahat ng Maykapal!

163

Related posts

Leave a Comment