PBBM-BIDEN MEETING INAABANGAN

(CHRISTIAN DALE)

KAABANG-ABANG ang nakatakdang pagkikita at pagpupulong nina Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. at US President Joe Biden sa sidelines ng 77th United Nations General Assembly sa Estados Unidos.

Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na ito ang “first in-person discussion” sa pagitan ng dalawang lider.

“This is a momentous event for both countries as (it is) an opportunity to discuss 76 fruitful years of the Philippine-US alliance,” ayon kay Cruz-Angeles.

Inaasahang matatalakay ng dalawang world leader ang pagpapatatag ng relasyong Pilipinas-US na nasa 76 na taon na ng kooperasyon, pagpapayabong ng kalakalan, pamumuhunan sa ating bansa, at iba pang isyu na kinakaharap ng mundo.

Hindi naman binanggit ni Cruz-Angeles ang eksaktong petsa ng nasabing pulong.

Bago ito, nagkaroon ng pagkakataong magkausap sina Marcos Jr. at dating Prime Minister ng United Kingdom Anthony Charles Lynton Blair.

Naganap ito sa sideline ng 77th UNGA sa New York.

Sumentro ang pag-usap ng dalawa sa peace process sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Kumpiyansa ang Pangulo na makakamit ang kapayapaan sa BARMM sa tulong na rin ni Blair, na tumatayong Executive Chairman ng Tony Blair Institute For Global Change.

Bukod sa peace process, tinalakay rin nina Pangulong Marcos at Blair ang usapin sa food security, climate action at trade.

Bukod kay Blair, nakatakda ring makipagpulong ang Pangulo sa iba pang lider ng mga bansa.

159

Related posts

Leave a Comment