BJMP pinawi duda ng publiko IBINIYAHE SA UP-PGH ‘DI SI ROMUALDEZ?

PINAWI ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang agam-agam ng publiko na hindi si dating House Speaker Martin Romualdez ang dinala sa University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) sa Maynila para sa independent medical examination.

Naging mahigpit ang seguridad nang dumating si Romualdez sa UP-PGH nitong Sabado ng umaga, alinsunod sa kautusan ng Sandiganbayan, Third Division, matapos payagan siyang sumailalim sa pagsusuri mula sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City.

Ayon kay BJMP Spokesperson Jayrex Bustinera, si Romualdez ang dumating sa Maynila dakong alas-8:45 ng umaga. Hindi lamang nakita ng publiko ang kanyang pagpasok sa ospital dahil agad na pumuwesto ang mga tauhan ng BJMP sa paligid ng ambulansyang pinagdalhan sa kanya.

Dahil dito, lumutang ang haka-hakang maaaring ibang tao ang dinala sa PGH, lalo’t hindi rin naging lantad sa media ang paglabas ni Romualdez sa Cardinal Santos Medical Center.

Patuloy ang medical examination sa dating House Speaker upang matukoy kung kinakailangan pa niyang manatili sa ospital habang nahaharap sa kasong plunder.

Sinabi ng BJMP na hihintayin nito ang susunod na kautusan ng Sandiganbayan hinggil sa kustodiya kay Romualdez. Kung ipag-uutos ng korte, maaari siyang ilipat sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas, Quezon City.

Samantala, kahapon ay may lumutang na ulat na posibleng dalawin ngayong Lunes, Setyembre 14, ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang pinsan na si Romualdez sa ospital kung saan ito nakaratay.

(JULIET PACOT)

67

Related posts

Leave a Comment