NAGHAIN si Senador Mark Villar ng Senate Bill No. 2137 na naglalayong itaas ang taunang income tax exemption ceiling mula ₱250,000 tungo sa ₱360,000 upang mabigyan ng dagdag na ginhawa ang mga manggagawang Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa pamumuhay.
Sa ilalim ng panukala, exempted sa pagbabayad ng income tax ang mga indibidwal na kumikita ng hanggang ₱360,000 kada taon. Layunin nitong mapalaki ang take-home pay ng mga low- at middle-income earners upang mas magamit sa pagkain, pamasahe, kuryente, edukasyon, kalusugan at iba pang pangunahing pangangailangan.
Nakapaloob din sa panukala ang pag-aayos ng graduated income tax brackets upang umayon sa kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya at epekto ng inflation.
Batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, inaasahang aabot sa 3.6 porsyento ang inflation ngayong taon, mas mataas sa 3.0 porsyentong target ng pamahalaan.
Samantala, ayon sa Philippine Statistics Authority, posible pang magpatuloy ang pagtaas ng presyo ng pagkain, langis, kuryente, pamasahe at iba pang pangunahing bilihin na lalo umanong nagpapababa sa purchasing power ng mga pamilyang Pilipino.
Ayon kay Sen. Villar, hindi na naaayon sa kasalukuyang kalagayang pangkabuhayan ang umiiral na income tax exemption threshold lalo na’t hirap na umanong pagkasyahin ng maraming manggagawa ang kanilang kinikita.
“Habang patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, dapat lamang na mabigyan ng dagdag na ginhawa ang ating mga manggagawa,” ani Villar.
Dagdag pa ng senador, layunin din ng panukala na makatulong sa pagpapalakas ng household spending at ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapataas ng purchasing power ng mga mamimili.
“Layunin nating magkaroon ng mas patas at mas makataong sistema ng pagbubuwis bilang pagkilala rin sa hirap at sakripisyo ng ating mga manggagawa,” dagdag niya.
(DANNY BACOLOD)
84 