NBI AT PNP NA BAHALA KAY MAYOR BASTE – MALAKANYANG

IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa National Bureau of Investigation at Philippine National Police ang pag-iimbestiga sa mga pahayag ni Davao City Mayor Sebastian Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa administrasyon nito.

Matatandaang tinuligsa ni Mayor Duterte ang umano’y pagbabalik ng problema sa ilegal na droga, kriminalidad at korupsyon sa ilalim ng administrasyong Marcos sa kanyang talumpati sa Rage Coalition Rally sa Davao kamakalawa.

“Ang NBI po, PNP, kung may nilalabag na batas, kung may kasinungalingang ibinibigkas para magulo ang bayan, sila na po ang dapat na mag-imbestiga rito,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malacañang.

Binigyang-diin ni Castro na walang katotohanan ang mga alegasyon ni Mayor Duterte laban sa Pangulo.

“Ito ay pawang paninira lamang at iyan ang gusto niyang i-amplify sa kaniyang mga kaalyado para palabasin na ang Pangulo ay walang ginagawa. Pero iyan po ay taliwas sa katotohanan,” ani Castro.

Pinabulaanan din ng Malakanyang ang pahayag ni Mayor Duterte na walang achievement si Pangulong Marcos Jr.

“Kung sino po iyong madalas nagbabakasyon, sila pa po iyong naghahanap ng ginagawang trabaho ng Pangulo,” ani Castro.

Sinabi rin ni Castro na aktibo ang pamahalaan sa kampanya kontra ilegal na droga at binanggit ang pagkakasabat umano ng P15.6 milyong halaga ng shabu sa isang operasyon sa Davao City noong Mayo 14, 2026.

“Sa ngayon po, wala po tayong EJK pero marami pong nasasabat ang ating mga law enforcers para po masawata ang iligal na droga,” dagdag niya.

Idinagdag pa ni Castro na patuloy din umano ang administrasyon sa pagsasampa ng pananagutan laban sa mga sangkot sa korupsyon.

Tinabla rin ng Palasyo ang akusasyon ng bayang Duterte na may umiiral na “undeclared martial law” sa bansa.

Ani Castro, taga-media ang unang makararamdam kung may umiiral na “undeclared martial law” sa Pilipinas.

Winika pa ni Castro na mas naramdaman ang sinasabi ni Mayor Baste na undeclared martila law sa panahon ng panunungkulan ng kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte.

(CHRISTIAN DALE)

66

Related posts

Leave a Comment