PROTEKSYON NG APP-BASED MC RIDERS PINAHIHIGPITAN

ISINUSULONG ng mga transport stakeholder ang pagpapatibay ng seguridad ng mga app-based motorcycle taxi riders kasunod ng magkakasunod na insidente ng pagpaslang sa mga rider na umano’y isinagawa ng kanilang mga pasahero.

Ayon sa Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), kinakailangang ipatupad ang mas mahigpit na passenger identification system, SOS button, emergency response system, at iba pang safety measures upang maprotektahan ang mga rider.

Binigyang-diin din ng grupo ang kahalagahan ng koordinasyon ng mga Transport Network Companies (TNCs) sa pagpapatupad ng mga naturang hakbang, kabilang ang posibilidad na mailapat din ang mga ito sa mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver.

Hinimok din ng LCSP ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na higit pang linawin ang probisyon hinggil sa Refusal to Convey Passengers, upang maging maliwanag na ang pagtalikod sa isang booking ay hindi awtomatikong paglabag.

Ayon sa LTFRB Memorandum Circular No. 2025-055, ang tanging paglabag ay ang unjustified o without cause refusal.

Nakasaad din sa memorandum na itinuturing na justified ang pagtanggi sa pasahero kung may kalamidad, unforeseen events, maintenance issues, problema sa asal ng pasahero, capacity limits, o kung may direkta at kapani-paniwalang banta sa buhay o ari-arian ng driver.

Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton, may karapatan ang rider na tanggihan ang isang booking kung may malinaw na panganib sa kanyang kaligtasan.

Gayunman, sinabi ni Inton na nasa driver ang burden of proof upang maipakita na may sapat na batayan ang pagtanggi sakaling maglabas ng show cause order ang LTFRB.

Naniniwala rin ang LCSP na sa mga app-based motorcycle taxi, dapat bigyang-halaga ang salaysay ng rider dahil hindi basta-basta tatanggihan ng isang driver ang isang booking na pinagkukunan niya ng kabuhayan kung walang lehitimong dahilan.

Binigyang-diin ng grupo na bagama’t pangunahing prayoridad ang kaligtasan ng mga pasahero sa pampublikong transportasyon, mahalaga ring matiyak ang seguridad ng mga driver dahil ito rin ang pundasyon ng ligtas na biyahe ng publiko.

Samantala, nagpahayag din ng suporta ang LCSP sa pagpapatupad ng Authority to Operate Certificates (ATOCs) ng LTFRB.

Sa ilalim ng LTFRB Memorandum Circular No. 2026-049, awtomatikong kino-convert sa Authority to Operate Certificate (ATOC) na may limang taong bisa ang mga umiiral na prangkisa ng TNVS operators.

Hindi na kinakailangang mag-apply ng renewal ang mga operator, maliban na lamang kung nais nilang magkaroon ng printed copy ng kanilang ATOC, na maaari nilang hilingin sa pamamagitan ng pagsusumite ng manifestation sa LTFRB Legal Division.

Hindi naman saklaw ng automatic conversion ang mga operator na may expired na prangkisa na wala pang naaprubahang renewal o yaong nakansela na ang franchise.

Ayon sa LCSP, malaking ginhawa ang naturang polisiya dahil pinasimple nito ang proseso ng regulasyon at binawasan ang gastos ng mga TNVS operator.

Pinuri rin ng grupo ang pamunuan ng LTFRB, sa pangunguna ni Chairperson Atty. Vigor Mendoza II, sa pagpapatupad ng naturang reporma.

Ipinaliwanag din ng LCSP na may legal na batayan ang ATOC sa ilalim ng Republic Act No. 11659 o ang batas na nag-amyenda sa Public Service Act.

Sa ilalim ng batas, hindi na kabilang ang mga sasakyang accredited at nag-ooperate sa pamamagitan ng Transport Network Corporations (TNCs) sa depinisyon ng public utility vehicles, kaya hindi na franchise ang kinakailangan upang makapag-operate ang mga ito.

Gayunman, nananatili silang saklaw ng regulasyon ng LTFRB bilang mga public service provider, dahilan upang ipatupad ang sistema ng ATOC.

Hinimok naman ng LCSP ang LTFRB na tiyaking maipabatid ang bagong polisiya sa lahat ng law enforcement agencies upang maiwasang mapagkamalang colorum ang mga TNVS na may hawak nang Authority to Operate Certificate.

154

Related posts

Leave a Comment