May private jets, choppers at yate ROMUALDEZ ‘FLIGHT RISK’ – DILG

ITINUTURING ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na “flight risk” si dating House Speaker Martin Romualdez, ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla.

Sa isinagawang press conference sa Camp Crame nitong Lunes ng umaga, ibinunyag ni Remulla na nagmamay-ari umano si Romualdez ng dalawang private jet, tatlong helicopter at tatlong yate.

Sa ngayon, hinihintay na lamang umano ng mga awtoridad na bumuti ang kondisyon ni Romualdez habang nagpapagaling ito sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City.

Dahil isa na siyang person deprived of liberty (PDL), mahigpit na binabantayan si Romualdez ng dalawang armadong guwardiya sa labas ng kanyang kuwarto.

Restricted na rin ang kanyang pagkilos sa ospital, habang may mga nakabantay din sa lobby at mobile patrol na nakapwesto sa labas ng pasilidad.

Ayon kay Remulla, ginagawa nila ang lahat ng kinakailangang hakbang bilang “preemptive” measure upang matiyak na haharap si Romualdez sa proseso ng batas.

Sinabi rin nito na wala siyang natanggap na anomang special instruction mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng pagkakaaresto kay Romualdez.

Gayunman, aminado ang kalihim na mahirap ang sitwasyon para sa Pangulo dahil hindi lamang magpinsan ang kanilang turingan kundi itinuturing na rin nilang magkapatid ang isa’t isa.

Pinalilipat sa PNPGH

Kaugnay nito, hiniling ng DILG sa Sandiganbayan na mailipat si dating House Speaker Martin Romualdez sa Philippine National Police General Hospital (PNP-GH) sa Camp Crame mula sa Cardinal Santos Medical Center.

Naghain ang DILG ng motion for custody isang araw matapos isilbi kay Romualdez ang arrest warrant kaugnay ng P7.4-bilyong plunder case na kinakaharap nito.

Nabatid na isinugod at nananatili si Romualdez sa Cardinal Santos Medical Center dahil umano sa cardiovascular event, hindi matatag na blood pressure at anxiety attack.

“Kami po ay magmo-motion for custody ni Martin Romualdez para dalhin sa Camp Crame Hospital. That motion will be filed later or tomorrow para klaro na hindi kami pumapayag na sa Cardinal Santos. Kaya naman namin sa Crame ‘yan,” pahayag ni Remulla.

Sinabi ni Remulla na nag-usap ang doktor ni Romualdez sa Cardinal Santos Medical Center at ang doktor ng PNP-GH, at kapwa umano sinabi ng mga ito na unstable ang kondisyon ng dating speaker.

Ayon kay Remulla, kaya namang i-accommodate ng PNP-GH si Romualdez, ngunit nasa korte pa rin ang pinal na desisyon kung saan siya dadalhin.

4 Doktor Ipinatawag

Pinatatawag naman ng Sandiganbayan 3rd Division ang apat na doktor ni Romualdez upang tumestigo kaugnay sa kanyang kasalukuyang kondisyon.

Sa kautusan ng korte, pinasisipot sa pagdinig sa Huwebes, Setyembre 10, ang apat na doktor mula sa Cardinal Santos Medical Center.

Inaatasan din ang mga ito na isumite ang resulta ng lahat ng kaugnay na medical examinations na isinagawa kay Romualdez.

Ito ay matapos sabihin ng kanyang mga doktor na nakararanas siya ng chest pain at may coronary artery disease at psychological anxiety.

Ayon sa mga doktor, maaaring malagay sa panganib ang kondisyon ni Romualdez kung siya ay ililipat o bibiyahe.

Kaso vs Romualdez Posibleng Humina

Maaari umanong humina ang kasong plunder na isinampa laban kay Romualdez matapos umatras o bumaliktad ang ilang saksi na naunang nag-ugnay sa kanya sa kontrobersya sa mga proyekto sa flood control, ayon kay House impeachment adviser at spokesperson Ace Barbers.

Ayon kay Barbers, ang pagbawi ng testimonya ng apat hanggang limang saksi ay tiyak na magkakaroon ng malaking epekto sa magiging takbo ng paglilitis.

“Doon sa mga ginamit na mga witnesses in the case filed against the former Speaker, apat hanggang lima doon sa kanila ay nag-recant. I think magkakaroon ng impact doon sa resulta nitong trial,” pahayag ni Barbers.

Bagamat hindi pa matukoy ng kongresista ang eksaktong bigat ng magiging epekto nito sa hukuman, naniniwala siyang mababawasan ang bigat ng mga alegasyon laban kay Romualdez.

“Since mayroon nang recantation, maaaring humina yung kanyang kaso na haharapin,” paliwanag ni Barbers.

Samantala, hiwalay namang nagpahayag si House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na nirerespeto nila ang pasya ng Office of the Ombudsman bilang isang malayang institusyon.

Aniya, ang pormal na pagsasampa ng kaso ay magbibigay kay Romualdez ng pagkakataong pormal na sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya.

Iginiit din ni Barbers na simula pa lamang ay ipinapakita na ni Romualdez ang kahandaang makipagtulungan sa mga imbestigasyon at ngayon ay mayroon na itong pagkakataong depensahan ang sarili sa pamamagitan ng tamang proseso ng batas.

(TOTO NABAJA/JESSE RUIZ/JULIET PACOT/TINA MENDOZA)

71

Related posts

Leave a Comment