DINAKIP ng mga tanod ang isang barangay leader na pinasok nila sa tahanan nito kung saan ginaganap ang isang pagpupulong sa Tanza, Cavite.
Ayon sa reklamo, walang pahintulot na pinasok ng dalawang tanod ang tahanan ng Barangay leader ni Mayoral Candidate Icel Del Rosario Morales bandang alas-5 ng hapon sa Julugan 3, sa nasabing bayan.
Inireklamo nila ang mga tanod na sina Raul Bautista at Allan Yolangco.
Reklamo ng barangay leader ni Del Rosario, nasa gitna sila ng isang voters’ education at poll watchers’ meeting—isang legal at demokratikong aktibidad—ay pwersahang pinasok ng dalawa ang pribadong bahay at pinilit dakpin ang mga lider na nangunguna sa pagpupulong.
Dinala sila sa Tanza Police Station at inakusahang lumabag sa Section 26(a) ng Omnibus Election Code na may kaugnayan sa umano’y vote buying.
Mariin itong pinabulaanan ng grupo ni Del Rosario, at iginiit na ang aktibidad ay bahagi ng paghahanda sa eleksyon at hindi kailanman tumalakay o nagsagawa ng pamimili ng boto.
Sa kabila ng alegasyon, ilang pirasong ₱500.00 at ilang sample ballots lamang ang nabanggit na ebidensya—na ayon sa mga testigo ay itinanim lamang sa lugar upang siraan ang grupo.
Hindi rin umano tumutugma ang sample ballot sa opisyal na listahan ng mga kandidato mula sa Team Del Rosario, isang malinaw na indikasyon ng pagkakatha ng ebidensya.
Giit ng mga tagasuporta, kung totoong may vote buying ay hindi ilang ₱500.00 lamang ang gagamitin lalo pa’t marami ang dumalo sa naturang pulong.
Samantala, agad namang sumugod ang kampo ni Del Rosario sa Tanza Police Station kasama ang kanilang mga abogado na ang gusto lamang ay magkaroon ng mapayapa at patas na halalan.
Nag-alay rin ng panalangin at rosaryo ang grupo na humihingi ng hustisya sa di umano ay ilegal na pagdakip sa kanilang mga lider.
(JOEL AMONGO)
