PBBM, KINALAMPAG SA P22.5-B POSIBLENG LUGI NG MGA MAGBABABOY

NANAWAGAN ang mga grupo ng mga magbababoy kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agarang kumilos upang sagipin ang lokal na industriya ng baboy na nalulugi dahil sa mababang farmgate prices at patuloy na pagdagsa ng imported pork.

Sa liham kay Pangulong Marcos na may petsang Oktubre 8, 2026, hiniling ng Pork Producers Federation of the Philippines Inc. (PPFPI), Philippine Pork Council Alliance Inc. at mga kaalyadong grupo sa sektor ng agrikultura ang agarang pagpapatupad ng mga hakbang upang maprotektahan ang lokal na mga magbababoy at matiyak ang kaligtasan ng mga mamimili.

Nauna rito, sumulat din si AGAP Party-list Rep. Nicanor M. Briones kina Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. at Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno noong Oktubre 2 upang hilingin ang agarang aksyon laban sa mga problemang dulot ng imported pork, kabilang ang posibleng maling deklarasyon at undervaluation ng mga inaangkat na produkto.

Ayon sa mga liham, bumagsak sa P130 hanggang P140 kada kilo ang farmgate price ng baboy, malayo sa production cost na P180 hanggang P190 kada kilo. Dahil dito, nalulugi ang mga magbababoy ng hindi bababa sa P50 kada kilo, o P5,000 sa bawat 100-kilogramong buhay na baboy.

Tinatayang umaabot sa P250 milyon kada araw ang pagkalugi ng sektor. Babala ng mga grupo, maaaring umabot sa P22.5 bilyon ang kabuuang lugi sa loob ng 90 araw kung hindi agad kikilos ang pamahalaan.

Batay sa datos ng Bureau of Animal Industry (BAI) na binanggit sa liham kay Pangulong Marcos, umabot sa rekord na 851 milyong kilo ang pork imports noong 2025. Inaasahang tataas pa ito sa 939 milyong kilo pagsapit ng katapusan ng 2026 kung magpapatuloy ang kasalukuyang takbo ng importasyon.

Upang maprotektahan ang lokal na industriya, iminungkahi ng mga grupo na ibalik sa 30 porsyento ang taripa sa in-quota pork imports at sa 40 porsyento naman sa out-quota imports, mula sa kasalukuyang 15 porsyento at 25 porsyento.

Hiniling din nila ang pansamantalang quantitative restrictions o limitasyon sa dami ng inaangkat na baboy sa loob ng hanggang 200 araw, simula Oktubre 2026.

Kabilang pa sa kanilang mga panukala ang pagtutumbas ng taripa sa pork jowls sa taripa sa karaniwang karne ng baboy, paglalathala ng aktuwal na transaction values ng imported pork at paglilimita sa import clearances para sa mechanically deboned meat (MDM) sa mga akreditadong meat processor.

Sa liham kay Agriculture Secretary Tiu Laurel, hiniling ni Rep. Briones ang agarang pagpapatupad ng mas mataas na taripa, mga limitasyon sa importasyon, mahigpit na inspeksyon sa imported pork offals at MDM, at pagpapatupad ng kaparehong mga pamantayan sa kalusugan ng hayop na pinaiiral sa lokal na baboy.

Hiniling din ni Briones na ilathala ang transaction values ng imported pork upang maging batayan sa tamang pagbubuwis at maiwasan ang undervaluation, misdeclaration at misclassification.

Sa liham naman kay BOC Commissioner Nepomuceno, iminungkahi ni Briones ang masusing inspeksyon sa mga imported pork products na saklaw ng mas mababang taripa at ang paglalagay sa mga ito sa red lane upang matukoy ang posibleng technical smuggling.

Iminungkahi rin niya ang paghahain ng mga kaso sa ilalim ng Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, kasama ang mga kinatawan ng industriya, kung may sapat na batayan.

Bukod sa epekto sa kabuhayan ng mga magbababoy, nagpahayag din ng pangamba ang mga grupo sa mga ulat na ibinebenta umano sa mga palengke at online platform ang imported frozen pork nang walang wastong cold-chain refrigeration.

May mga alegasyon din na may expired o hindi ligtas na karne na umano’y hinuhugasan ng tawas upang matakpan ang mabahong amoy at pagbabago ng kulay. Gayunman, nananatili itong mga alegasyong nangangailangan ng masusing beripikasyon at imbestigasyon.

Binigyang-diin ng mga grupo na kailangang sabayan ng proteksiyon sa lokal na merkado ang P1.6-bilyong Swine Repopulation Program ng Department of Agriculture (DA), na naglalayong bumili ng humigit-kumulang 32,000 gilt o batang babaeng baboy upang muling mapalakas ang lokal na produksyon matapos ang epekto ng African swine fever (ASF).

Ayon sa kanila, maaaring mawalan ng saysay ang mga programang naglalayong buhayin ang industriya at panatilihin ang kabuhayan ng mga lokal na magbababoy kung patuloy na babahain ng imported meat ang merkado.

Dahil dito, nanawagan sina Rep. Briones at ang mga grupo ng mga magbababoy sa pamahalaan na agarang kumilos upang mapigil ang patuloy na pagkalugi ng sektor, maprotektahan ang lokal na agrikultura at matiyak ang kaligtasan ng mga mamimili.

108

Related posts

Leave a Comment