Tapyas sa singil dulot ng mas mababang ancillary service charges, mga buwis
MAYNILA, PILIPINAS, 11 SETYEMBRE 2026-Sa ikalawang sunod na buwan, magpapatupad ulit ang Manila Electric Company (Meralco) ng bawas-singil sa kuryente. Nasa P0.0409 kada kWh ang pagbaba ngayong Setyembre kaya nasa P14.7424 kada kWh ang kabuuang rate para sa isang pangkaraniwang pamilya.
“Para sa mga residential customer ng Meralco na kumokonsumo ng 200 kWh, ang bawas-singil na ito ay katumbas ng humigit-kumulang P8 na tapyas sa kabuuang bill sa kuryente,” ani Joe R. Zaldarriaga, Meralco Vice President at Head of Corporate Communications. “Kasunod ito ng bawas-singil na napakinabangan ng mga customer ng Meralco noong nakaraang buwan at umaasa kami na makatutulong ulit itong panibagong tapyas sa aming mga customer.”
Mas mababang ancillary service charges at mga buwis, natabunan ang pagtaas ng generation charge
Ang pagbaba ng ancillary service charges na kinokolekta ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at pagbaba ng buwis ang pangunahing dahilan ng bawas-singil ngayong buwan.
Bumaba ang ancillary service charges ng P0.3344 kada kWh bunsod ng mas mababang charges mula sa Reserve Market.
Nasa P0.1657 kada kWh naman ang tapyas sa mga buwis at iba pang singil. Ito ay bunsod ng pagtatapos ng maintenance shutdown ng Malampaya gas facility kaya nakagamit na muli ang mga planta ng First Gas/Prime CoreGen plants ng indigenous natural gas na walang value-added tax (VAT).
Natabunan ng mga ito ang P0.4232 kada kWh na pagtaas ng generation charge. Dahil naman ito sa paghina ng Piso kontra dolyar at mas mataas na fuel costs sa gitna ng nagpapatuloy na krisis sa Gitnang Silangan, na bahagya namang napagaan ng mas mababang singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market kasabay ng pagbaba ng average demand sa Luzon grid.
Pinunan ng mga PSA, First Gas/Prime CoreGen, at WESM ang 71%, 24%, at 4%, ng kabuuang requirement ng Meralco para sa panahong ito.
Patuloy pa rin na napapakinabangan ng mga customer ng Meralco ang dalawang refund na ipinatutupad ng kumpanya na katumbas ng kabuuang P1.0139 kada kWh para sa mga residential customer.
Ang mga pass-through charges para sa generation, transmission at ancillary service ay binabayaran ng Meralco sa mga power supplier at NGCP, habang ang buwis, universal charges, at iba pang public policy charges ay inire-remit sa pamahalaan.
Wala pa rin pagbabago sa distribution charge ng Meralco para sa tipikal na residential customer noong Agosto 2022.
Meralco naghatid ng tulong sa mga lubhang naapektuhan ng Habagat; nagpaalala sa ligtas na paggamit ng kuryente
Kasunod ng mga malakas na pag-ulan at pagbaha dahil sa Habagat, naghatid ang Meralco, sa pamamagitan ng One Meralco Foundation (OMF), ng tulong sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng masamang panahon.
Simula noong Agosto, nakapaghatid na ang OMF ng tulong sa higit 5,000 na pamilya sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, Nueva Ecija, at Pampanga at nagpapatuloy pa ang mga relief operation nito para maabot ang iba pang pamilyang nangangailangan ng ayuda.
Patuloy rin ang pagpapaalala ng Meralco sa mga customer na isaalang-alang ang ligtas na paggamit ng kuryente lalo na kung may pagbaha sa kanilang mga lugar
- Iwasan ang mga linya at pasilidad ng kuryente na nasira o nalubog sa baha.
- Kung mayroong pagbaha, patayin agad ang main power switch o circuit breaker at tiyaking tuyo ang mga kamay bago hawakan ang anumang electrical appliance at pasilidad.
- Tanggalin sa pagkakasaksak ang lahat ng mga appliance at patayin ang mga gamit na de-kuryente. Kung maaari, tanggalin din ang mga bombilya.
- Kapag humupa na ang baha, linisin ang putik at dumi mula sa electrical equipment gamit ang rubber gloves at rubber-soled na sapatos.
- Panatilihing tuyo ang lahat ng electrical wires, connectors, at iba pang wiring devices sa lahat ng oras.
- Ipasuri sa lisensyadong electrician ang mga nabasang appliances at wiring system.
Pinayuhan din ng Meralco ang mga customer na panatilihing bukas at handa ang lahat ng communication channels at i-charge ang mga mobile phone, laptop, radyo, at iba pang communication gadgets.
Para sa mga katanungan at alalahanin tungkol sa serbisyo ng kuryente, maaaring i-report ito sa pamamagitan ng My Meralco app o sa mga opisyal na social media account ng Meralco sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X na kilala dati bilang Twitter (@meralco). Maaari rin sumangguni sa pamamagitan ng pag-text sa 0920-9716211 o 0917-5516211 o pagtawag sa Meralco Hotline 16211.
122 