MULING nanawagan ang Department of Energy (DOE) sa local oil firms na maghanap ng paraan na magpapagaan sa sunod-sunod na pagtaas sa domestic pump prices na makagiginhawa sa epekto sa consumers.
Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, hiniling ng departamento sa mga kompanya ng langis na subukan ang pagtataas sa presyo ng langis “on a staggered basis.”
“Patuloy ‘yung panawagan ng Department of Energy sa ating mga oil companies na gumawa ng paraan para hindi naman matindi ang tama sa ating mga consumers,” ayon kay Romero.
Ito’y matapos na itaas ng local oil firms ang presyo kada litro ng gasolina ng P3.60; diesel ng P5.85, at kerosene ng P4.10. Ito na ang pang-10 linggo nang paggalaw sa presyo ng produktong petrolyo.
Ang pinakahuling data available mula sa Department of Energy (DOE) ay nagpapakita na ang year-to-date adjustments ay pumalo na sa kabuuang net increase na P8.75 kada litro para sa gasolina; P10.85 kada litro para sa diesel, at P9.55 kada litro para sa kerosene “as of February 22, 2022.”
Sa ulat, sinabi ng isang industry source na ang big-time pump price hike ay maaaring ikasa sa susunod na linggo. Ang gasolina ay posibleng tumaas ng P8.28 kada litro habang ang diesel naman ay P12.72 kada litro.
“Kung ikukumpara mo ‘yung trading nitong nakaraang linggo versus the two weeks before, ‘yung comparison natin week-on-week talagang malaki iyong sinipa nitong linggo na ito,” ani Romero.
Samantala, naglaan ang pamahalaan ng P2.5 bilyong piso para sa public utility driver fuel subsidies, habang ang Department of Transportation (DOTr) ay mayroong service contracting program na magbabayad sa mga tsuper kapalit ng pagbibigay serbisyo sa mga mananakay ng libre. (CHRISTIAN DALE)
327 