Sumali na rin ang Simbahang Katolika sa lumalakas na pagtutol laban sa panukalang joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng South Cotabato II Electric Cooperative (SOCOTECO II) at Ignite Power and Energy Holdings na suportado nina Enrique Razon at Manny Pacquiao.
Sumulat ang dalawang obispo kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla upang hilingin ang preventive suspension ng mga miyembro ng Board of Directors ng SOCOTECO II.
Sa isang liham noong Setyembre 1, nanawagan sina Obispo Cerilo Casicas ng Diyosesis ng Marbel at Caritas Philippines President Obispo Gerardo Alminaza ng Diyosesis ng San Carlos kay Remulla na agad suspendihin ang mga miyembro ng board na sangkot sa mga nakabinbing reklamo kaugnay ng JVA.
Tinukoy ng kanilang sulat na mayroong “profound governance crisis” sa loob ng kooperatiba, at binanggit ang mga alegasyon ng procedural irregularities at posibleng pagkompromiso sa integridad bago ang nakatakdang plebisito ngayong buwan.
Ayon sa mga obispo, ang pagpapahintulot sa mga miyembro ng board na manatili sa puwesto habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ay patuloy na banta sa mga asset ng kooperatiba, mga rekord nito, at sa malayang pagpapahayag ng kalooban ng mga konsyumer sa iligal na plebisito.
Bukod dito, hiniling din ng mga obispo ang isang dayalogo kay Remulla para talakayin ang mga pangamba ng kanilang komunidad na anila’y “heavily compromised” sa kakayahang makakuha ng abot-kaya at maaasahang kuryente.
Dagdag pa ng mga obispo, bilang pastol ng mga mananampalatayang direktang tatamaan ng mataas na presyo ng kuryente at hindi maaasahang serbisyo kung maaprubahan ang JVA ng Ignite Power, kaisa sila ng mga komunidad sa pagtataguyod ng “transparency, integrity, and rule of law.”
Ipinasa ang sulat kasunod ng mga hakbang ng diyosesis nitong mga nagdaang linggo upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa JVA. Kabilang sa mga hakbang na ito ay ang isang mapayapang protesta noong Agosto upang kuwestyunin ang proseso at iskedyul ng plebisito ng SOCOTECO II.
Natanggap ng Ombudsman ang liham noong Setyembre 8 ngunit wala pang aksyon sa mga kahilingan.
101 