MGA PEACE CHAMPION NG BANSA BINIGYANG-PUGAY NG OPAPRU

BINIGYANG-PUGAY ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) ang mga tinaguriang peace exemplars bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan sa bansa.

Sa ilalim ng Proclamation No. 675, ipinagdiriwang ang Setyembre bilang National Peace Consciousness Month. Bahagi nito ang pagkilala sa mga indibidwal na itinuring na peace champions dahil sa kanilang ambag sa proseso ng kapayapaan.

Layunin ng pagdiriwang na palaganapin ang kamalayan, pag-unawa at pagpapahalaga sa komprehensibong proseso ng kapayapaan, gayundin ang pagpapatibay ng mga institusyong nagsusulong ng kapayapaan at seguridad sa bansa.

Pinangunahan ni Presidential Peace Adviser Mel Senen S. Sarmiento ang wreath-laying ceremony sa Manila Memorial Cemetery bilang pagkilala kina dating Pangulong Corazon C. Aquino at dating Pangulong Benigno Aquino III, gayundin kay former Ambassador and General Manuel T. Yan.

Binigyang-pugay din sa Libingan ng mga Bayani sina dating Pangulong Ferdinand R. Marcos Sr. at dating Pangulong Fidel V. Ramos, gayundin si dating Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Atty. Haydee B. Yorac.

Ang tema ng National Peace Consciousness Month ngayong 2026 ay “Kapayapaan Pagtibayin, Kaunlaran Paigtingin,” na nagbibigay-diin sa mahalagang ugnayan ng pangmatagalang kapayapaan at napapanatiling kaunlaran.

Ayon kay Sec. Sarmiento, nagsisilbing hamon ang mga naiambag ng mga peace champion upang ipagpatuloy ng mga Pilipino ang pagsusulong ng peacebuilding sa pamamagitan ng political resolve, meaningful dialogue, inclusive participation at pagtupad sa mga peace commitment ng bansa.

“The legacies of these outstanding individuals challenge us to make peacebuilding our lifelong commitment as Filipinos. This requires strong political resolve, meaningful dialogues, inclusive participation, and the steadfast implementation of all our peace commitments,” ani Sarmiento.

Binigyang-diin din niya na walang iisang administrasyon ang nagmamay-ari sa proseso ng kapayapaan dahil ito ay ipinapamana sa bawat henerasyon, na may responsibilidad na ipagpatuloy ang mga nasimulan ng mga nauna.

“no single administration owns the peace process,” anang kalihim, dahil ito ay minana ng bawat henerasyon mula sa mga nauna sa kanila at may tungkulin ang bawat isa na ipagpatuloy ang gawain para sa kapayapaan.

Nakikiisa rin ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagdiriwang ng National Peace Consciousness Month.

(JESSE RUIZ)

66

Related posts

Leave a Comment