TRANSPORT AT LEGAL GROUPS, NANAWAGAN SA DOTr NG PANANAGUTAN SA “GHOST RIDERS” ISSUE

NANAWAGAN ang mga grupo sa transportasyon at legal sector sa Department of Transportation (DOTr) na linawin at papanagutin ang mga sangkot sa hindi pa nareresolbang kontrobersiya ng “ghost riders” sa motorcycle taxi industry.

Inilabas ng mga grupo ang panawagan kasabay ng pagdiriwang ngayong Setyembre ng Rule of Law Month, na naglalayong isulong ang paggalang sa batas at patas na pagpapatupad ng mga regulasyon.

Ayon kay Atty. Ariel Inton, Pangulo ng Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP), napapanahon ang paggunita sa Rule of Law Month dahil dapat igalang ang mga regulasyong umiiral habang may proseso naman para sa mga nais magmungkahi ng pagbabago rito.

“Dapat walang exempted sa batas. Kung may kailangang baguhin sa regulasyon, may tamang proseso,” ani Inton. “Hindi pwedeng mawala na lang ang tanong kung nasunod ba ang mga patakarang umiiral noong panahong iyon.”

Lumitaw ang isyu ng “ghost riders” kasunod ng mga problemang may kinalaman sa krisis sa gasolina noong unang bahagi ng taon, nang mapansin ang mga dobleng entry at magkakasalungat na datos sa mga listahan ng riders na nauugnay sa programa ng financial assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nagbunsod ito ng mga katanungan hinggil sa katumpakan ng rider records at pagsunod sa mga limitasyong itinakda ng gobyerno para sa motorcycle taxi sector.

“Panahon nang linawin ng DOTr ang paggamit ng ghost riders: Kung may naging problema sa rider lists at onboarding, ano ang naging resulta? May corrective action ba? May nanagot na ba?” tanong ni Inton.

Nauna nang sinuportahan ng LCSP ang pormal na regulasyon sa motorcycle taxi industry at nanawagan ng mga patakarang magpoprotekta sa kabuhayan ng mga riders, kabilang ang mga naapektuhan ng mga limitasyon sa sektor.

Samantala, sinabi ng National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Associations of the Philippines (NACTODAP) at National Public Transport Coalition (NPTC) na nagbangon ang “ghost riders” issue ng usapin ng fairness para sa mga transport worker na araw-araw na sumusunod sa mga limitasyon at regulasyon ng gobyerno.

Ayon kay Ariel Lim, kumakatawan sa NACTODAP at NPTC, may malinaw na authorization, limitasyon at pananagutan sa mga traditional public transport sector kapag lumampas sa itinakdang rules.

“Sa tricycle, jeep, taxi at ibang public transport, may authorization, may limitasyon at may pananagutan kapag lumampas,” ani Lim. “Kung mahigpit ang rules sa amin pero pwedeng lampasan ang iba nang walang malinaw na pananagutan, ang sumusunod sa batas ang nadedehado.”

Binigyang-diin din ni Lim ang kahalagahan ng pagbabalanse ng supply at demand sa motorcycle taxi sector upang maiwasan ang negatibong epekto sa riders, operators at commuters.

“Kailangan balanse ang supply at demand. Kapag sobra ang supply, lahat ng apektado—riders, operators, at commuters. Kailangan ng tamang regulation para gumana nang maayos at pangmatagalan ang buong transport system,” paliwanag niya.

Samantala, sinabi ni Jett Cindy, kinatawan ng National Riders Coalition, na hindi dapat ipasa sa mga commuters ang epekto ng mga desisyong ginawa sa antas ng kumpanya.

Aniya, ang pagprotekta sa kabuhayan ng mga riders ay hindi dapat mangahulugan ng pagprotekta sa mga kumpanya mula sa pananagutan.

(PAOLO SANTOS)

67

Related posts

Leave a Comment